SA edad kong liyebo 60, at sa pagiging mamamahayag sa loob ng apat na dekada, narinig at nakita ko na halos ang lahat – yung iba nga naisulat ko pa bilang balita -- nang matitinding korapsyon sa ilalim ng pamamahala ng opisyal ng mga nagdaang administrasyon. Todo iling na may kasamang palatak lang ang naging reaksyon ko sa lahat ng pangungurakot na ito.

Ngunit sa panahong ito, sa gitna pa man din ng pananalasa ng pandemiyang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nang malaman ko ang hinggil sa pangungurakot ng bilyones mula sa pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na nakalaan para sa pangangalaga sa kalusugan ng sambayanang Pilipino, aba’y ‘di ako pala-murang tao, pero sa pagkakataong ito, mura na tagos sa buto ang naisigaw ko!

Siguro, kung nakamamatay ang mura, maraming kababayan tayo – kasama na ako rito -- ang makakasuhan ng murder dahil sa mga pagmumura na ibinabato namin sa mga opisyal ng PhilHealth.

Pakiwari ko pa nga, parang ang nararamdaman kong galit ay katulad ng nakikita ko sa kilos at sinasabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica, tuwing tatanungin siya ng mga mamamahayag hinggil sa corruption sa PhilHealth.

Sa lingguhang news forum na Balitaan sa Maynila – na ngayong panahon ng quarantine ay sa virtual-online idinaraos gamit ang Zoom application -- ay muling ipinaramdam ni Com Belgica ang pagkadismaya niya sa korapsyon sa PhilHealth.

Nauna nang ipinahayag ni Belgica sa mga mamamahayag sa senado na: “Marami na kaming inimbestigahan, kinasuhan, pinatanggal at pinakulong, Pero ang isyu ng PhilHealth, grabe po ito. Grabe ang nakawan, grabe ang kakapalan, grabe ang kawalanghiyaan. Mula ulo hanggang paa ang korapsyon.”

Ayon kay Belgica, 36 na mga empleyado ng PhilHealth ang inirekomenda ng PACC na sibakin at kasuhan sa natuklasang mga hokuspokus, gaya ng mga insurance fraud na naisasagawa dahil sa kakulangan ng transparency at balidasyon ng mga claim ng miyembro at health care providers (HCP).

Sa bilang na ito, ang 13 na mga opisyal ay pwede nang makasuhan sa ombudsman sa lalong madaling panahon.

Sa mga nauna nang pahayag ng mga “whistle blower” na dating opisyal ng PhilHealth, aabot sa P15 bilyon ang nakurakot na ng mga ganid sa naturang tanggapan.

Madalas umanong magsagawa ng random post-audit ang ahensya dahilan para maging imposible na ang pag-audit sa bawat claims dito. Sa nakaraang senate hearing sinabi ng PACC na ang unang isyu na kailangan pagtuunan ng pansin ay ang P2 bilyon hanggang P3 bilyon na inilalabas ng PhilHealth linggu-linggo, na sinasabing “exposed sa corruption”.

Kasama rin sa makakasuhan ang ilang may-ari ng ospital na nakipagsabwatan sa mga opisyal ng PhilHealth upang pagnakawan ng pondong nakalaan para sa kalusugan ng mga miyembro nito.

“May 100 percent na pagsasabwatan, mula sa mga empleyado ng PhilHealth, mga ospital hanggang sa DOH, kaya nakatutok ang imbestigasyon ng PACC dito,” ani Belgica.

Sa tantiya ni Belgica ay ‘di na matatapos ang buwang ito at siguradong may makakasuhan na sa mga nagsabwatan na ito --- Abangan!

Sa naturang news forum, kasama rin bilang resource speaker si Dra. Bless Salvador, tagapagtaguyod ng pagsusulong ng “Women’s Health,” at isa ring kilalang health broadcaster.

Pinanindigan ni Dra Salvador na dapat sundin ang panawagan ng pamahalaan na palagian na mag-ingat tayong lahat, upang makatulong sa pagsugpo sa pagkalat ng deadly COVID-19.

Bagaman sinang-ayunan ni Dra Salvador ang sinasabing malakas na immunity ng mga taong naka-expose sa mga maruming bagay – gaya ng mga batang nagkalat sa lansangan, mga basurero at mga vendor na laman ng kalye – dapat pa rin na mag-ingat ang mga ito, sundin ang tamang panuntunan na paulit-ulit na ipinapaalala ng pamahalaan, dahil sa naiibang kalaban ang COVID-19.

“Deadly ang virus na ito, wala pang gamot at bakuna na aprobado laban dito ang ating pamahalaan. Kaya dapat lang na mag-ingat ang bawat isa sa atin,” paalala ni Dra Salvador.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.