TULOY-TULOY ang pagsisikap upang malinis ang Manila Bay.

Ibinahagi kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) regional office sa Pampanga na nagkabit ang ahensiya ng 50 trash traps sa ilang ilog sa Central Luzon upang mapigilan ang pagdaloy ng mga basura patungo sa tubig ng Manila Bay.

Sa pagbabahagi ni Paquito Moreno Jr., executive director ng DENR sa Central Luzon, inilagay ang mga floating trash traps, na gawa sa mga recycled materials tulad ng plastic at fishing gear na may sukat na 30 hanggang 100 metro, sa mga ilog ng Lamao, Orani, Orion, Pinulot, Pangulisanin, Amo, Aguawan, Almacen, Bilolo, Talisay, Mabuco at Samal sa Bataan, at sa Guagua-Pasak river sa Pampanga.

“Aside from the regular cleanup, which we are doing every week, these trash traps are another strategy to prevent the accumulation of garbage in the shoreline of our historic Manila Bay. Solid wastes are now being removed from the source before it reaches the bay,” pahayag pa ni Moreno.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa tala ng DENR, lumalabas na nakatulong ang mga trap upang mapigilan ang ang nasa 30 tonelada ng solid waste na makaabot sa Manila Bay mula nang maikabit ito sa iba’t ibang tributaries ngayong taon.

Inilagay ang mga traps sa mga ilog at sapa kung saan maaaring mapigil ang mga basura na lumulutang sa mga sapa, nang hindi naaapektuhan ang galaw ng mga yamang-tubig tulad ng mga isda.

“We have partnered with local government units (LGUs) in the region to manufacture and install these floating trash traps in the rivers within their locality while new traps are continually being installed with their help. Also, our estero rangers regularly collect and characterize the wastes from traps before it can be disposed of in sanitary landfills,”ani Moreno.

Nanawagan naman si Moreno sa publiko na suportahan ang DENR sa kampanya nito na maisalba ang Manila Bay at ugaliin ang pagsunod sa 3Rs (reduce, reuse and recycle) sa mga basura kasama ng disiplina upang mabawasan ang nalilikhang basura sa rehiyon.

Aniya, ito ay bahagi pa rin ng tungkulin ng DENR at ng iba pang kaugnay na ahensiya, na malinis ang Manila Bay.

Sumasakop ang Manila Bay sa rehiyon ng Calabarzon, National Capital Region, at Central Luzon. May kauuan itong 190 kilometro ng coastline.

Sa haba, 144 km ang bahagi ng Central Luzon, na sumasakop sa mga probinsiya ng Bulacan, Pampanga, at Bataan.

Samantala, sa tala ng DENR’s Environmental Management Bureau (EMB) Region 3 lumalabas na umaabot sa 5,598 tonelada ng basura ang nalilikha ng Central Luzon bawat taon.

PNA