NAKAHANDA si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na unang magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19 na gawa sa Russia. Welcome sa kanya ang alok ng Russia sa magkasanib na kooperasyon sa pagbaka sa coronavirus na patuloy sa pananalasa sa maraming panig ng mundo.
Sa isang taped meeting noong nakaraang Lunes, nagpasalamat siya kay Russian Pres. Vladimir Putin sa pagkakaloob ng tulong sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic. Nagboluntaryo siya na maging isang “guinea pig” para sa clinical testing ng Russian vaccine.
Ganito ang pahayag ni Mano Digong: “Para ipakita na nagtitiwala ako sa kanila at hindi sila nagkamali sa offer, ako ang unang magpapabakuna. Kung ito ay nagkabisa sa akin, ito ay may bisa rin sa iba.”
Dagdag pa ni Pres. Rody: “In public, parang walang satsat diyan, in public magpapa-injection ako. Ako yung maunang ma-eksperimentuhan. Ok para sa akin. I trust you and I have high hopes on you...your studies in combatting Covid and I believe that the vaccine that you have produced is really good for humanity.”
Sana ay nakatuklas na nga ng angkop at mabisang bakuna ang Russia sapagkat uunahin daw ni Russian Pres. Vladimir Putin na bigyan ng bakuna ang Pilipinas alang-alang sa pagkakaibigan nila ni PRRD. Ayon sa Pangulo, kaibigan natin ang Russia, hindi natin sila kaaway. Walang conflict ang PH sa bansa ni Putin hindi tulad sa China na may gusot sa West Philippine Sea.
Gayunman, nagpahayag ng concern ang isang local association ng multinational pharmaceutical companies tungkol sa umano’y pagmamadali ng Russia na payagang magamit sa publiko ang COVID-19 vaccine gayong wala pang mga resulta ng clinical trials. Kailangan daw masuri at matesting ito nang mabuti.
Samantala, tumanggap ng “kind offer” ang Pilipinas na 100 units ng ventilators na nagkakahalaga ng $1,557,520 mula sa United States, ayon kay Foreign Affairs. Sec. Teodoro Locsin Jr. Ang donasyon ng US govt na Vyaire Ventilators model LTV 2200 ay ginawa sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID).
Ang mga ventilator ay ipagkakaloob sa Deparment of Health (DoH). Nag-donate rin ang US ng dagdag na P11.4 milyong halaga ng PPE at medical supplies para sa mga frontline workers. Bukod sa Russia at China na BFF ni Mano Digong, kausap din ng ating gobyerno ang US at UK tungkol sa pagkakaloob ng ayuda sa PH hinggil sa bakuna na kanilang matutuklasan laban sa COVID-19.
Lumalabas ngayon na hindi lang “Whiff of corruption” ang kinasasangkutan ng PhilHealth na umano’y nagwaldas o nagbulsa ng bilyun-bilyong pisong halaga ng pondo na dapat ay magamit sa mga mararalitang pasyente sa bansa.
Ito ay isang “surge of corruption”, hindi isang “whiff” lang. Sabi nga ni Greco Belgica, Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner, ang “katiwalian sa PhilHealth ay mula ulo hanggang paa.” Sa pagdinig, ibinunyag niyang kada linggo ay nagpapalabas daw ng P3 bilyon ang ahensiya. Ang laking halaga nito na sana’y nagagamit sa iba’t ibang sakit ng mahihirap na Pinoy, dialysis, sakit sa puso, bato, atay at iba pa, lalo na ngayong marami ng tinatamaan ng COVID-19.
Mr. President, hinahamon ka ng sambayanang Pilipino na ituloy ang bantang ipakukulong ang corrupt officials ng PhilHealth. Ituloy mo Ginoong Pangulo ang pahayag na: “Yayariin ko kayong lahat.” Ayon sa kanya, babawiin ang limpak-limpak na perang naglaho sa anomalya habang sinasalanta tayo ng pandemic.
“Huwag kayong magkakamali... itong PhilHealth. Sabi ko yayariin ko kayong lahat, maniwala kayo. Iyong mga inosente naman, wala kayong dapat i-ano, tahimik lang kayo at continue working,” galit si PRRD.
Sige Mr. President kunin mo na ang iyong palakol at sibakin ang ulo ng mga tiwali at gahaman, o kaya naman ay hugutin mo na ang latigo at hagupitin ang mga lintik at walang-hiyang mga opisyal ng PhilHealth at iba pang tanggapan ng pamahalaan, na nagpipintugan ang mga tiyan sa katakawan!
-Bert de Guzman