MAY espesyal na rason ang mga Asyano, partikular ang mga Indian, para tutukan ang nalalapit na halalan sa Amerika. Ang Democratic vice-presidential candidate ay si California Sen. Kamala Harris na kumakatawan sa lumalagong dibersidad sa buhay ng Amerika, pamahalaan, at politika, dahil sa kanyang black at Asian background.
Siya ang napili nitong Martes ni Democratic Party presidential candidate Joe Biden na maging running-mate sa presidential election na nakatakda sa Nobyembre 3. Makakalaban nila sina President Donald Trump at Vice President Mike Pence ng Republican Party.
Bagamat ang halalan ay gaganapin sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, na isang pangunahing isyu sa kampanya, naggagaling din ito sa serye ng malalaking demostrasyon dahil sa isyu ng racial equality matapos ang pagkamatay ng isang black man, na si George Floyd, mula sa kamay ng mga white policemen sa Minneapolis noong Mayo. Kaya naman malaking isyu rin sa halalang ito ang racial equality at human rights.
Mula si Senator Harris sa Howard University, isang makasaysayang black university sa Washington, DC, kung saan siya nagtapos ng Bachelor of Arts in political science and economics. Pumasok siya sa law school sa University of California, kung saan siya nagsilbi bilang pangulo ng Black Law Students Association at nagtapos ng may Juris Doctor.
May partikular na interes ang mga Asyano, lalo na ang mga Indian, kay Senator Harris, na anak ni Shyamala Gopalan, isang breast-cancer scientist na lumipat sa Amerika mula Tamil Nadu, India, noong 1960, upang maipagpatuloy ang doctorate in endocrinology sa University of California sa Berkeley. Kapwa nanggaling si Kamala at ang kanyang kapatid na si Maya sa isang Black Baptist church at isang Hindu temple sa Berkeley. Minsan ay bumibisita sila sa pamilya ng kanyang ina sa Madras, na ngayon ay Chennai, India.
Isang immigrant naman ang ama ni Harris mula British Jamaica na nagtungo sa Berkeley para sa graduate studies noong 1961.
Nasilbi si Harris bilang attorney general ng California bago mahalal na US senator mula California kung saan niya isinulong ang mahahalagang usapin, kabilang ang citizenship para sa mga ‘di dokumentadong immigrants. Isa ang immigration sa inaasahang pangunahing isyu ngayong halalan, lalo’t kilala si President Trump na mahigpit na tutol sa pagpasok ng mga immigrants mula South at Central America gayundin ang nagmumula sa Muslim na bansa.
Kung mahalal, si Harris ang magiging unang babae, unang African-American, at unang Asian-American vice president ng Amerika. Isang babae na dating naghangad din na maging VP – si Sarah Palin—na tumakbo kasama ni Sen. John McCain noong 2008, bagamat isang Republican, ay isang matibay na babaeng lider, ang bumati kay Harris sa Instagram para sa nominasyon nito at nagbahagi ng mahabang listahan ng payo para sa kanya.
Inilalarawan nito ang panawagan at malawak na suportang nakukuha ni Senator Harris—mula sa kababaihan, mula sa mga immigrant, mula sa mga black American at iba pang minorities sa America, mula sa mga nagsusulong ng racial at sexual equality. Milyon-milyong Asyano, partikular ang mga Indian, ang tututok din sa kanyang laban sa nalalapit na halalan, na kung palarin, ay inaasahang magiging Democratic Party frontrunner sa susunod na eleksyon.