Sa botong 242-6 inaprubahan ng Kamara ang Bayanihan 2 nitong nakaraang Lunes. Ito ang nagpapalawig sa Republic Act No. 11469, o Bayanihan to Heal as One Act. Ang Bayanihan 2 na tinaguriang Bayanihan to Recover as One ay naglalaan ng R162 billion para sa iba’t ibang layunin. Ilan dito ay R10 billion para sa COVID-19 health insurance coverage, R51 billion para dagdagan ang pondo ng government lending institution, at R20 billion para sa cash-for-work program. “Ang Bayanihan 2 ay hinggil sa mga Pilipino na tinutulungan ang kapwa Pilipino saan man sila naroroon at anuman ang kinikilingan nilang pulitika. Hinggil ito sa pag-asa sa pinakadilim na panahon at desperadong mga lugar,” pagmamalaki ni Speaker Alan Peter Cayetano sa ipinasa nilang panukala. Sinamantala pa niya ang okasyon para pasaringan ang mga kritiko ng administrasyon na, aniya, ay walang hinihiling kundi ang mabigo ito.
Dadaan na ngayon ang Bayanihan 2 sa Bicameral Committee ng Kongreso para itugma sa version ng Senado na ipinasa noong Hulyo. Eh ang ipinanukala lamang ng Senado bilang standby fund ay R140 billion, mababa ito ng R22 billion sa nais ng Kamara. Hulyo lang pala ay naipasa na ng Senado ang pang-alalay sa pondong inilaan sa Bayanihan I kung sakali ito ay kapusin, bakit nito lang nakaraang Lunes inaprobahan ng Kamara ang kanilang version? At napakalaki? Kaya, tama lang na tinutulan ng Makabayan Bloc ang Bayanihan 2. Hiniling nila ang full accounting muna ng pondong inilaan ng Bayanihan I. Kasi, sa ilalim ng Bayanihan I, binigyan ng Kongreso si Pangulong Duterte ng kapangyarihang i-realign ang R370 bilyong salapi, kabilang na rito ang R200 billion para sa emergency cash aid program. Nabahala si Bayan Muna Rep. Isagani Zarate na magamit ang napakalaking pondo ng Bayanihan 2 sa ibang layunin tulad ng pangkampanya ng mga kandidato ng administrasyon sa 2022 presidential elections kapag hindi nabatid kung ang pondo ng Bayanihan I ay nagastos sa dapat pinaggastusan, o kaya naipit ang malaking bahagi nito.
Tamang hakbang iyong ginawa nina Sen. Risa Hontiveros, Franklin Drilon, Leila de Lima, Ralph Recto, Panfilo Lacson at Sonny Angara sa paghain ng Senate Resolution No. 479 na humihiling sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit para busisiin ang nagastos ng gobyerno, ang inutang nito at mga natanggap nitong donasyon sa ilalim ng Bayanihan I. Kaya, dapat hintayin muna ng mga Senador ang special audit ng COA bago sila humarap sa Bicameral Committee para pagtugmain ang kanilang panukalang stand by fund sa Bayanihan 2 ng Kamara. Napakalaking pondo na naman ang nais ilagay ng mga Kongresista sa komprehensibong kapangyarihan ng Pangulo. Dapat din malaman ng taumbayan ang nangyari sa pondo ng Bayanihan I dahil hanggang ngayon marami ang dumaraing na hindi pa sila inabot ng ayuda. Hintayin ng mga Senador ang COA audit, o pamadaliin ito na gawin ang audit upang magabayan sila sa pagharap nila sa Bicameral Committee. Mahirap pagkatiwalaan si Speaker Cayetano na ang Bayanihan 2 ay tulong ng mga Pinoy sa kanilang kapwa, baka ito ay tulong sa kanilang mga sarili, o kaya, magamit ang pondo laban sa mamamayan.
-Ric Valmonte