LOCKDOWN!
Ni Annie Abad
INILAGAY sa ‘total lockdown’ ang kabuuan ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Manila at Philsports Arena sa Pasig City simula kahapon upang isailalim sa matinding ‘disinfection’.
Ayon sa ipinalabas na ‘advisory’ ng Philippine Sports Commission (PSC) may isang empleyado ng ahensiya ang nagpositibo sa coronavirus (COVID-19) sa isinagawang test, ngunit may ilan pang binabantayan dahil sa posibleng pagkakaron ng direktang contact sa biktima.
Ayon sa anunsiyo na pirmado ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, kailangang mailagay sa ‘total lockdown’ ang mga pasilidad sa dalawang sports complex upang masiguro na agad na ma-contain ang posibleng hawaan.
"May we humbly advise all concerned that the Rizal Memorial Sports Complex in Manila City and PHILSPORTS Complex in Pasig City shall be on complete lockdown from August 12, 2020 until further notice," ayon sa advisory.
"This is a part of the agency's health protocol, after a staff tested COVID-19 positive in the recent round of RT-PCR testing. We ask for your kind understanding and cooperation. Thank you," ayon kay Ramirez.
Wala namang naiulat na may nagpositbong atleta, higit at karamihan sa nanunuluyan sa pasilidad ay pansamantala munang umuwi sa kanilang mga tahanan at probinsiya para doon magpatuloy ng personal na pagsasanay.
Nanatiling bukas ang PSC nang ibaba sa General Enhanced Community Quarantine (GECQ) ang Metro Manila noong Hulyo at nagkaroon ng ‘skeletal force’ ang ahensiya bukod sa frontline workers na nakibahagi nang gamitin ang Rizal Memorial Coliseum, Ninoy Aquino Stadium at Philsports Arena na ‘quarantine station’ sa mga pasyenteng nagmula sa abroad.
Naging istasyon din ng Locally Stranded Individual (LSI) ang kalapit na Rizal Memorial Baseball Stadium kung saan libo-libong kababayan ang pansalamantalang nanuluyan bago naihatid sa kani-kanilang mga lalawigan.