MULA nang gambalain ng pandemya ang mundo, isang mahalagang isyu ang tila nakalimutan na, sadya man o hindi—ang pagbabantay sa pondo ng gobyerno at serbisyo gamit ang electronics.
Partikular sa pamamahagi ng social amelioration aids, pagbabantay sa pondo ng estado para sa COVID-19, pagbabantay sa mga overseas grants at remittances, o ang paghihimay sa anumalya sa pondo, mainam na kagamitan ang maayos na teknohiya kaya’t dapat ding napagtutuunan ito.
Sa kabila ng paglikha ng Department of Information, Communications Technology (DICT), na isinulong ng Kongreso at sinasabing sagot sa obligasyon ng pamahalaan na makasabay sa bugso ng global electronic advancement, hindi nito natugunan ang matinding kakulangan.
Mula nang maitatag ang DITC sa ilalim ng Republic Act 10884, na nilagdaan noong Mayo 20, 2016, ni dating Pangulong Benigno S. Aquino, nakitaan ng pag-aatubili sa bahagi ng pamumuno ni Duterte upang lubusang mapakinabangan ang potensyal ng ahensiya, na nagbibigay ng suspisyon na hindi dapat purihin ang anumang may kaugnayan sa nakalipas na administrasyon. Isang patunay sa pag-aalinlangang ito ang pagtatalaga ng isang acting DICT secretary. Kinailangan pang hintayin ng Pangulo ang pagtatapos ng termino ni Sen. Gregorio Honasan, isang residente ng Davao dahil sa pag-aari nito ng bahay sa sikat na Ladislawa Subdivision.
Sa mga nakalipas na taon, makailang ulit nang naging laman ng balita ang DICT. Nang magkaroon ng imbestigasyon sa isyu ng ikatlong telco player, isa ito sa nanguna upang bigyan ng paglilinaw ang isyu na nakakaapekto sa interconnectivity. Nabalita rin ang ahensiya nang lumitaw ang isyu hinggil sa mabagal na wi-fi connection.
Gayunman, sa kabuuan, ang DICT na dapat bilangin bilang isa sa nawawalang piraso ng jigsaw puzzle sa burukrasiya, ay hindi nakasasabay sa dapat nitong tungkulin. Maaaring may kinalaman ito sa madalang na publicity. Ngunit ang totoo ay hindi naman ito aktibong nakikibahagi sa publiko sa paraang tulad ng ginagawa ng National Bureau of Investigation sa pagsisiwalat at pagbubunyag sa mga online scams.
Bagamat totoo naman na wala tayong access sa pagbabagong ipinatutupad sa loob ng DICT, dapat itong mabatid ng publiko bilang bahagi ng transparency kung ano ang nangyayari isinapublikong national Business One Stop Shop, free countrywide public wi-fi connectivity, national ID system, at sa susunod na linggo, ang malabong blended learning ng education department.
Sa istatus ng ahensiya, dapat itong umangat mula sa mababang puntos na nakukuha nito. Para sa isang bansang sinasabing “next Asian economic miracle,” higit na malaki ang dahilan upang mapaunlarin ng DICT ang ranggo ng bansa sa world of connectivity.
Ngunit ang dapat mauna, ay ang tanggapin ng liderato ni Duterte ang katotohanang ang DICT ay hindi imbensyon ni Pangulong Aquino, kundi isang inisyatibo ng Kongreso.
-Johnny Dayang