LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Halos buo na ang NBA playoff bracket matapos ang ilang resulta ng laro nitong Miyerkoles (Huwebes sa Manila).
Limang playoff spot ang naidagdag para maiaayos ang Rounbd 1 ng postseason na sisimulan sa susunod na linggo sa Walt Disney World.
Sa Western Conference, magtutuos ang Houston at Oklahoma City sa first round, isang pinakahihintay na pagkakataon sa pagtutuos nina Rockets guard Russell Westbrook at Thunder guard Chris Paul laban sa kani-kanilang dating koponan.
“It’ll be interesting,” pahayag ni Paul.”Two teams that know a lot about each other. We’ll prepare, get ready and we’ll see what’s what.”
Sa iba pang West matchups na nakumpleto nitong Miyerkoles, haharapin ng No.2 seed Los Angeles Clippers ang No. 7 Dallas Mavericks at magkakasagupa ang No. 3 Denver Nuggets kontra No. 6 Utah Jazz.
Sa East, naisaayos ang duwelo ng Miami at Indiana sa first round matapos magkaharap ang dalawa sa pagtatapos ng kanilang regular season games nitong Biyernes para sa No.4 at No.5 seeding.
Sa panalo ng Indiana sa Houston nitong Miyerkoles, naisaayos ang duwelo ng No. 3 Boston at No. 6 Philadelphia.
Ginapi ng Miami ang Indiana nitong Lunes at muling maghaharap sa Biyernes (Sabado sa Manila) bago simulant ang kanilang best-of-seven series sa susunod na linggo.
“It’s good to know that we play them,” pahayag ni Heat coach Erik Spoelstra. “Just need to figure out what uniform we’re wearing.”
“We’ve got to match Miami’s energy,” sambit naman ni Indiana’s Edmond Sumner “That’s a team that’s going to play hard for 48 minutes.”
Ang iba pang East matchups ay ang No. 1 Milwaukee laban sa No. 8 Orlando, at ang No. 2 Toronto kontra No. 7 Brooklyn.
Sa West, selyado na ang 4-5 matchup sa pagitan ng Houston at Oklahoma City at ang Utah ang No. 6 seed. Hindi na nakakilos ang Jazz matapos magapi ng Thunder ang Miami at nakuha ng Denver ang No. 3 seed matapos matalo sa Clippers.
Malalaman ang kabuuan ng match-up sa Sabado (Linggo sa Manila) sa laro ng West team Portland, Memphis, Phoenix at San Antonio na pawang lumalaban sa dalawang nalalabing slots. Ang magwawagi sa laro ang makakaharap ng top-seeded Los Angeles Lakers sa first round.