PITONG taon matapos hagupitin ng super-typhoon Yolanda (international name: Haiyan) ang Samar, Leyte, at natitirang bahagi ng Eastern Visayas noong Nobyembre 7, 2013, na kumitil sa buhay ng higit 6,300 tao at sumira sa milyon-milyong kabahayan, inanunsiyo ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ngayong linggo na natapos na ang housing project para sa mga biktima sa lungsod ng Ormoc.
Isa ang Yolanda sa pinakamalakas at mapaminsalang bagyo na naitala sa kasaysayan. Nang tumama ito sa kalupaan ng Guiuan, Eastern Samar, dakong 8:40 ng gabi, may hangin itong umaabot sa 280 kilometro bawat oras. Sunod nitong tinumbok ang Leyte at apat pang isla sa Visayas bago tuluyang lumabas sa South China Sea. Mula doon, kumilos ito pa-hilagangkanluran, hanggang manalasa sa Vietnam noong Nobyembre 10.
Matinding naapektuhan ng bagyo ang 171 munisipalidad sa 14 na probinsiya sa bahagi ng Eastern Visayas, sumira sa higit 580,000 kabahayan, at puminsala sa tinatayang 580,000 iba pa, karamihan sa Tacloban at Ormoc na malapit sa dulo ng dalampasigan, dahilan upang hagupitin ng mga daluyong.
Bumuhos ang ayuda mula sa maraming bansa. Lumikha si dating Pangulo Benigno S. Aquino III ng Office of the Presidential Assistance for Rehabilitation and Recovery (OPARR) noong Disyembre, 2013, upang mamahala sa rehabilitasyon. Isang Comprehensive Recovery and Rehabilitation Plan din ang binuo na pinaglaanan ng pondong tinatayang P170 bilyon.
Iniatas sa National Housing Authority ang pagtatayo ng 205,128 housing units na nagkakahalaga ng P61.25 billion. Bahagi rin ng rehabilitasyon ang 15 iba pang ahesiya ng pamahalaan, 41 local government units, international donors, local non-government organizations, at mga pribadong sektor.
Gayunman, sa mga sumunod na buwan at mga taon, nasaksihan natin ang matinding kaguluhan at pagkaantala sa rehabilitasyon, dahil na rin sa napakaraming organisasyon na kalahok.
Labing-anim na buwan matapos manalasa ang bagyo, tanging 124 na bahay lamang ang naitayo sa Tacloban, dahil umano sa pagbibigay ng prayoridad sa iba pang proyekto tulad ng flood defenses. Tanging 14 na porsiyento nang pambansang target na 205,128 housing units ang naitayo noong Nobyembre 2016, tatlong taon matapos humagupit ang Yolanda noong 2013.
Kaya naman isang magandang balita na natapos na sa wakas ang pagtatayo ng mga bahay para sa mga residente ng Ormoc makalipas ang halos pitong taon. Sinabi ni Secretary Nograles, ngayo’y pinuno ng Inter-agency Taskforce for the Unified Implementation and Monitoring of the Rehabilitation and Recovery Projects and Program in the Yolanda-affected Areas, na mula sa kabuuang 54,508 housing units na plano para sa Rehiyon 8, 35,462 ang naibigay na.
Nagpapatuloy naman ang konstruksiyon para sa 10,877 units sa Cabucgayan, Biliran, at Almeria sa probinsiya ng Biliran, sa Tacloban City, Baybay City, at Basey, Samar. Katumbas ito ng 85 porsiyente ng kabuuang proyekto.
Pitong taon na ang nakalipas mula nang humagupit ang super-typhoon Yolanda at nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang pagpapatayo ng mga bahay para sa mga biktima. Umaasa tayo sa pagtatapos ng natitirang 15 porsiyento ng mga bahay, upang wakasan ang paghihirap na dinanas ng mga biktima ng Yolanda sa Eastern Visayas.