TUMITINDI ang pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas. Habang sinusulat ko ito, halos 130,000 na ang kaso ng pandemya sa iba’t ibang panig ng bansa. Pinakamaraming tinatamaan ng COVID-19 ang taga-National Capital Region (NCR) o Metro Manila.
Ito ang dahilan kung bakit inirekomenda ng IATF kay Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na muling ilagay sa Moderate Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila mula sa pagiging General Community Quarantine (GCQ).
Kung ang paniniwalaan ay ang mga report, nangunguna na ngayon ang PH sa Southeast Asian Nations sa pagkakaroon ng pinakamaraming kaso ng pandemic. Dinaig pa natin ang Indonesia na higit ang laki at lawak ng populasyon kaysa bansa natin.
Maraming eksperto at dalubhasa sa medisina at kalusugan ang nagtataka kung bakit patuloy ang pagdami ng bilang ng nagpopositibo sa ‘Pinas ng coronavirus na nanggaling sa Wuhan City, China. Parang mas marami pa yata ang kaso ng ating bansa sa China na pinagmulan ng COVID-19.
Napakadali at napakasimple lang naman ang payo o tagubilin ng Department of Health (DOH) upang maiwasan ang pagkakaroon ng karamdamang ito na hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang bakuna o gamot. Una, laging maghugas ng mga kamay, ikalawa, gumamit ng facial mask, at pangatlo ay panatilihin ang tamang agwat sa kasunod na tao o physical-social distancing. Of course, kung hindi mahalaga, manatili na lang sa bahay.
Ito ba ay mahirap na sundin? Aba, kung ikaw ay nahihirapan dito, tiyak na mahahawa ka ng COVID-19 at kapag namatay ka (hindi nasawi), agad kang susunugin (cremation) at walang pagkakataon ang mga mahal mo sa buhay na ikaw ay masilayan pa ng ilang araw sa huling sandali dahil bawal ang burol.
Nakikiramay kami sa pamilya ni ex-Manila Mayor Alfredo Siojo Lim na namatay sa edad na 90. Matagal din siyang naging alkalde ng Maynila. Kung hindi pa ninyo alam, si Mayor Lim ay taga-San Miguel, Bulacan, lahi ng pamilya Siojo. Hindi ba ninyo napapansin ang kanyang punto o diction kapag nagsasalita? Puntong Bulakenyo. Ginagamit niyang salitang “dangkasi” na gamit ng taga-San Miguel.
Kaugnay ng pagkamatay ni Lim na dating Alkalde, Senador, DILG Secretary, nagpapaalala si Manila Mayor Isko Moreno, dating vice mayor ni Lim, sa publiko na pag-ingatan ang sarili dahil walang kinikilala o sinasanto ang COVID-19. Ayon kay Yorme, si Lim ay tinamaan ng COVID bagamat ang pamilya niya ay walang sinasabing dahilan ng kanyang pagyao.
Kinilala ni Yorme Moreno ang mga kabutihan nagawa ng yumaong alkalde hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng mga mamamayan. Natatandaan ko noon na maraming taga-San Miguel ang nagsasabi na madalas daw umuwi sa aming bayan si Mayor Lim. Dumadalaw sa mga kamag-anak, kaibigan at kakilala.
Malapit na ang Agosto 24, ang takdang petsa ng pagbubukas ng mga klase sa bansa (2021). May mga tao o grupo na hindi sang-ayon na ituloy ang pagbubukas nito sapagkat baka raw manganib ang kalusugan ng mga mag-aaral. Gayunman, sinabi naman ng Department of Education (DepEd) na nakahanda sila sa reopening of classes at iingatan nila ang kalusugan ng mga estudyante bukod pa sa pagkakaroon ng mahusay na pamamaraan ng pagtuturo kahit walang face-to-face classes, tulad ng dati.
-Bert de Guzman