NATATANDAAN mo pa ba kung paano mo natutunan ang konsepto ng Bayanihan noong nasa elementary ka pa lang? Malinaw ko pang naaalala—tulad ng iba pang Pilipino na sumailalim sa basikong edukasyon sa bansa—ang imahe ng mga tao sa isang komunidad na nagtutulungan buhatin ang bahay ng kanilang kapitbahay at literal na ilipat ito nang buo sa bagong lokasyon.
Bahagi na ang ating tradisyon bilang mga Pilipino ang Bayanihan. Parte ito ng kaugalian natin bilang bahagi ng isang bansa. Nagmula ang salitang ito sa “bayan” na direktang katumbas ng salitang bayan o komunidad. Samakatuwid, ang terminong “bayanihan” ay tumutukoy sa pagiging bahagi ng isang komunidad, na nagsasalo sa sarili nitong kasaysayan at pagtanaw sa hinaharap. Tumutukoy ito sa diwa ng komunidad, pagboboluntaryo, at kooperasyon upang makamit ang tunguhin ng isang bansa.
Naalala ko ang maganda at makapangyarihang tradisyong ito ng mga Pilipino habang nagninilay-nilay sa mga pagsubok nating hinaharap ngayon. Tinutukoy ko ang bugso ng coronavirus pandemic na patuloy na nananalasa sa mundo. Habang isinusulat ko ang kolum na ito, halos 20 milyong tao na ang nahawa ng SARS-CoV-2 virus kung saan mahigit 728,800 na ang namatay. Ang Pilipinas partikular ay may 126,885 kaso kung saan higit 2,200 ang namatay.
Naniniwala akong ang laban natin sa coronavirus ay doblado. Sa isang bahagi, kailangan natin masiguro na mabawasan ang bilang ng impeksyon. Nailatag na ng mga eksperto sa kalusugan, kasama ng karanasan ng ibang mga bansang nagtagumpay na labanan ang virus, ang plano kung paano malalabanan ang pagkalat ng virus: ito ang test, isolate at trace.
Ngunit ang ikalawang bahagi ng laban ay mahalaga rin. Sa lahat ng indikasyon, magiging bahagi na ng ating buhay sa mahabang panahon ang virus. Sinabi ng World Health Organization sa pamamagitan ng special envoy for COVID-19, David Nabarro, na hindi mawawala ang coronavirus kaya naman kailangan nating matutong mamuhay kasama nito.
Mahalagang mabanggit natin ang buong pahayag ni Mr. Navarro: “We have all got to learn to live with this virus, [to do our business with this virus in our presence], to have social relations with this virus in our presence and [not to be continuously having to be in lockdown because of the widespread infections that can occur]”.
Maliban na lamang kung makatuklas na ng bakuna at maipamahagi ito, mananatili sa atin ang virus. Kailangan nating bumuo ng paraan kung paano natin haharapin ang coronavirus habang nagpapatuloy sa ating buhay. Dito nagiging kritikal ang diwa ng Pilipinong bayanihan. Sa pagpasok natin sa “new normal” kailangan natin gawin ang ating parte at tumulong sa isa’t isa.
Kailangan gawin ng pamahalaan ang trabaho nito na siguruhin na nakasusunod tayo sa testing, isolating at tracing. Mula pambansa hanggang lokal na pamahalaan, kailangan natin masiguro na bawat isa ay sumusunod na health protocols. Dapat maglaan ng mga pribadong sektor tungo sa pagsisiguro sa kaligtasan ng mga konsumer at mga empleyado. Naglabas na ang awtoridad ng World health at ang ating mga opisyal ng panuntunan upang mabawasan ang epekto ng krisis kalusugan.
Sa bahagi ng publiko, panahon na upang muli nating isabuhay ang diwa ng Bayanihan. Siguruhin atin na ang bayanihan ay hindi lamang isang konseptong nakakulong sa mga aklat na nabasa natin o isang imahe na aking inilarawan. Ngayon, hindi hinihiling sa atin na buhatin ang bahay ng ating kapitbahay. Hinihiling sa atin na bitbitin ang responsibilidad nang pagiging isang mabuting mamamayan sa pagsisiguro na hindi kakalat ang virus sa ating mga tahanan, sa ating komunidad, at sa ating trabaho.
Kaya naman lumabas lamang tayo ng ating mga tahanan kung may mahalagang kailangan. Kung nasa labas siguruhin na nakasuot tayo ng face mask. Kapag tayo ay nakapila sa grocery o sa pampublikong transportasyon, siguruhin natin na napapanatili natin ang tamang physical distancing kahit pa nakakaakit na sumama sa iba at labagin ang health protocols. Kumilos tayo kasama ng ating mga kapitbahay at mga lokal na awtoridad sa pagsisiguro na sumusunod tayo sa mga panuntunang ito. Kapag nagawa natin ito, maaaring hindi na natin kailanganin ang lockdown na nagpaparalisa sa ating ekonomiya at naglalagay sa panganib ng ating kinabukasan.
Sa panahong ngayon, ito ang pinaka makabayan na magagawa natin. Tandaan, ang unang tatlong pantig ng bayanihan ay bayani. Maging bayani tayong lahat.
-Manny Villar