IKA-26 na petisyon na ang nakasampa sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act (ATA). Grupo ng mga Moro, “lumad” at iba pang mga katutubo ang sumama sa iba’t ibang sektor para ipabasura ang nasabing batas. Sinundan nila ang Concerned Lawyers for Civil Liberties, grupo naman ng mga abogado na ganito rin ang layunin. Pinangungunahan nina dating Sen. Rene Saguisag, dating Vice-Pres. Jejomar Binay at dating dean ng College of Law, University of the Philippines Pacifico Agabin nang gawin itong ika-25 petisyon. Batay sa naiulat na nilalaman ng mga petisyon, wala naman silang pinagkaiba sa mga nauna nang naisampa. Mga isyu ng Konstitusyon hinggil sa mga probisyon nitong equal protection of the law, due process at paglabag sa mga kaparatang sibil at pantao ang halos kanilang batayan. Pero, ang mahalaga ay iba’t ibang sektor na ng lipunan ang na sa Korte Suprema bilang mga petitioner.
Bago pa mang naisampa ang mga petisyong ng mga katutubo at concerned lawyers at iba pa, nasagot na ni Solicitor General Jose Calida ang mga nauna nang petisyon. Halos umiikot sa teknikalidad ang depensa ng gobyerno. Wala aniyang, personalidad ang mga petitioners para kuwestyunin ang batas, isyung politikal ang mga batayan ng kanilang petisyon na hindi karapat-dapat pakialaman ng hudikatura.
Bakit pinuputakte ng mga petisyon laban sa ATA ang Korte Suprema? Kay Pangulong Duterte nagmula ang batas. Sinertipikahan niya ito na urgent sa Kongreso, kaya, napakabilis na inaksyunan ito ng Kamara at Senado. Kung wawariin mo ang mga batayan ng mga petisyon, ipinakita ng mga ito na ang batas ay maliwanag na panganib sa taumbayan at sa kanilang mga karapatang ginagarantiyahan ng Saligang Batas. Ayon kay Pangulong Duterte at sa mga gumawa ng batas, binibigyan nila ng sandata ang gobyerno upang ito ay maging malakas at epektibo sa pagsugpo sa terorismo. “Kung hindi ka naman terorista, wala kang dapat ikatakot,” sabi pa ni Sen. Bato dela Rosa. Nandito ang malaking problema. Sa ilalim ng napakalabong probisyon ng ATA, na ang mga nagpapatupad ng batas ay pwedeng ipakahulugan sa gusto niyang mangyari, pwede ka nilang gawing terorista. Kapag ang mamamayan ay kumilos dahil hindi maganda ang pagpapatakbo ng gobyerno at sila ay nasasaktan, napakadaling ituring silang terorista. Sa totoo lang, ang ATA ay proteksyon sa mga nagpapatakbo ng gobyerno laban sa reklamo at pagkilos ng taumbayan. Proteksyon ito ng mga taong pinagkalooban ng mamamayan ng kanilang kapangyarihan laban mismo sa kanila. Proteksyon ito ng mga taong ginagamit ang gobyerno para sa kanilang interes at hindi sa kapakanan ng bayan.
Pinutakte ng mga petisyon ang Korte Suprema para ipakita rito na taumbayan na ang lumalaban sa ATA. Eh nakataya sa labanan ay ang batas ng Pangulo. Kailangan ang malinaw at makatwirang paliwanag ng Korte na naayon ang batas sa Konstitusyon. Hindi basta itatapon ang mga petisyon base sa teknikalidad na sinabi ni Solgen Calida. Lamang na kasi sa bilang ang mga nariritong mahistradong nahirang na ng Pangulo. Baka paramihan na lang ng boto ang labanan tulad nang naganap sa kaso ni dating Chief Justice Lourdes Sereno.
-Ric Valmonte