KAGULAT-GULAT ang pagsisid ng Pilipinas sa tinatawag na recession (resesyon) nitong ikalawang tatlong buwan ng taon (2nd quarter) sa rekord na 16.5 porsiyento matapos ang ilang buwang lockdown o quarantine na pumaralisa sa 75 porsiyento ng ekonomiya.
Ayon sa mga report, ito ang pinakagrabeng slump o resesyon sapul nang dumanas ang ‘Pinas ng ganitong kalagayan na 10.7 porsiyento sa 3rd quarter o ikatatlong bahagi noong 1984, at 10.5 porsiyento sa unang tatlong buwan ng 1985.
Ganito ang pahayag ni ING senior economist Nicholas Antonio Mapa: “The Philippine economy crash-landed into recession with the Q2 GDP (gross domestic product) meltdown showcasing the destructive impact of lockdowns on the consumption-dependent economy.”
Ang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa sa second quarter ay itinuturing na pinakamatindi sa hanay ng Asian countries na nag-ulat din ng pagsisid sa katulad na panahon, gaya ng Indonesia, Thailand, Singapore, Hong Kong at Malaysia.
Anyway, mahirap intindihin ang ganitong situwasyon o recession nina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera. Ang iniiisip at inaalala nila ngayon ay kung papaano makararaos sa maghapon dahil sa pananalasa ng veeruz, este virus ng COVID-19, na nagmula sa Wuhan City, China. Sila ay nagugutom na.
Libu-libo ang manggagawang Pilipino na nawalan ng trabaho. Maraming kompanya at establisimyento ang nagsipagsara dahil sa Enhanced Community Quarantine, Moderate Enhanced Community Quarantine, General Community Quarantine, at Moderate General Community Quarantine.
Hanggang walang natutuklasang bakuna o gamot kontra COVID-19, ang Pilipinas ay mamimilipit sa kahirapan, pagdurusa. Maraming pamilya ang magugutom. Maraming bata ang hindi makapapasok sa paaralan. Umaasa si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na magkakaroon na ng bakuna sa Disyembre mula sa China, at pinakiusapan niya ang BFF niyang si Pres. Xi Jinping na unahin ang PH na bigyan ng bakuna.
Naniniwala si Vice Pres. Leni Robredo at iba pang mamamayan, na hindi na lang basta umasa sa pangakong bakuna ng China. Kailangan daw ay magsumikap pa nang husto ang Duterte administration, Department of Health, IATF at iba pang mga ahensiya ng gobyerno, para gumawa ng mga paraan at solusyon upang labanan ang virus na itong kalat na kalat sa buong mundo.
Nakalulungkot malaman na habang hirap na hirap ang mahigit sa 100 milyong Pinoy, sumusulpot naman ang mga ulat hinggil sa bilyun-bilyong pisong kurapsiyon sa ilang sangay ng gobyerno, partikular ang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth). Hindi nila iniiintindi ang babala ni PRRD na “Just a whiff of corruption”, lagot kayo.
Sana ay gawan ng paraan ng Pangulo na tabasin ang ulo at sungay ng mga pinuno ng pamahalaan na hanggang ngayon ay nangungurakot sa pera ng bayan habang nananalasa ang pandemya. Sana ay lipulin mo na Mr. President ang mga ganitong uri ng mandarambong kahit sila’y mga kaalyado mo o taga-Davao, at hindi mo lang sila ililipat o ire-recycle!
-Bert de Guzman