NANG marinig ko ang balita na dahil sa malubhang karamdaman, ay ‘di makararating sa nakatakdang imbestigasyon sa senado ang dalawang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na inaakusahan ng kurapsyon – ganito agad ang aking naibulalas: “Ang mga opisyal na nagigipit, kahit sa wheelchair kumakapit!”
Sa lahat na yata ng administrasyon na inabot ko – simula pa nung mapatalsik ang pamilya Marcos patungong Hawaii hanggang sa umupo ang Mayor na si Rodrigo R. Duterte bilang pangulo -- tuwing may opisyal ng gobyerno na masasangkot sa milyun-milyong korapsyon, ay palagi na lang nakalulusot sa mga rehas na bakal.
Ang palaging tagapagligtas – siyempre ang wheelchair!
Sabagay, may ilan din namang kontrobersiyal na kriminal o drug lord na ospital din ang naging kulungan, at habang kunwari ay nagpapagaling sa karamdamang sila lamang dalawa ng kanyang doktor ang nakaaalam, tuloy ang operasyon ng kanyang sindikado mula sa inuukupa nitong mamahaling kuwarto ng ospital.
Sa ganitong pelikula, ang paulit-ulit na eksena ay nakaupo ang suspek sa wheelchair papunta sa ospital, upang ipagamot ang umaatake ritong malubhang karamdaman.
Tatagal ng ilang buwan sa pagkaka-confine, na ‘pag minalas-malas ay lalagpas din ng kung ilang taon, habang naghihintay na maupo ang tsokarang pulitiko, na tinulungan nitong manalo sa katatapos lamang na eleksyon.
Pag-upo nito, presto – tapos agad ang kaso, at mabibigyan pa ang loko ng magandang puwesto sa bagong administrasyon. Kapag medyo nagkaroon ng bulilyaso sa hawak na puwesto, agad itong tatanggalin, at kapag lumamig na ang asunto – kamuka’t mukat, nakaupo na naman ito. Yun lang ibang posisyon naman, na sa wari ko’y mas mataas pa sa pinanggalingan nitong puwesto.
Oh ‘di ba, palagi na lang tayong nakasasaksi ng mga ganitong eksena?
Kaya tuloy nang maglabasan sa social media ang link ng balita, na hindi makadadalo sa pagdinig sa Senado ang dalawang opisyal ng PhilHealth, batay na rin sa medical certificate na ipinadala ng kanilang manggagamot, -- iisa ang halos naging sigaw ng mga netizen: “Napanood ko na ‘yan – same plot, different actors!”
Ang tinutukoy kong mga opisyal dito ay sina Ricardo Morales, pangulo ng PhilHealth at si Arnel de Jesus, executive vice president and chief operating officer ng Philhealth.
Si Morales ay pinayuhan ng kanyang doktor na mag-file ng “leave of absence” sa trabaho dahil sa lymphoma, na nangangailangan na: “To complete 6 cycles of treatment during which he will be immunocompromised and vulnerable to opportunistic infections. It is therefore in his best interest that I have advised him to take a leave of absence.”
Samantalang si De Jesus naman ay nagpadala ng sulat sa Senado, na siya ay hindi makadadalo sa nakatakdang hearing sa Agosto 11, 2020 dahil sa isang ‘unforeseen medical emergency’.
Aniya: “Rest assured I will make myself available when my health permits. I respectfully ask that my privacy be respected during this time.”
Iginagalang naman ng liderato sa Senado ang “privacy” at naging pahayag ng dalawang opisyal ng PhilHealth dahil sa ito umano ay payo ng kani-kanilang mga dalubhasang doktor.
Kaya lang, ito ay magiging malaking kakulangan para maipaliwanag ng PhilHealth ang kanilang depensa laban sa kontrabersiyal na alegasyon ng korapsyon na iibinabato sa liderato ng naturang ahensiya.
Harinawang maging makabuluhan para sa sambayanang Pilipino ang isasagawang imbestigasyon sa Senado, upang matukoy kung saan talaga napunta ang bilyones na perang nakalaan sa kalusugan nating mga mamamayan, lalo na sa panahong ito nang matinding pananalasa ng pandemiyang COVID-19 sa buong mundo.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.