Nanawagan ang mga residente ng isang barangay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija kay Mayor Myca Elizabeth Vergara na kumilos kaugnay ng patuloy na pagguho ng tinirtirhan nilang tabing-sapa upang maiwasang magkaroon ng malaking trahedya sa lugar.
Sa panayam, Oktubre 8 pa ng nakaraang taon nang maghain sila ng pormal na apela sa tanggapan ng alkalde upang mabigyan sana ito ng aksyon.
Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang natatanggap na abiso mula sa Office of the City Mayor kaugnay ng resulta ng kanilang panawagan.
Ayon sa mga residente, nagsimulang gumuho ang tinatayang aabot sa 600 metrong sapa sa gilid ng kani-kanilang bahay sa Sitio Boundary, Bgy. Caalibangbangan noong 2010 kasunod ng malakas na pag-ulan.
“Unti-unti na ngang kinakain ng sapa ang bahay namin. Ilang beses na rin kaming naglagay ng pader ngunit, gumuguho lang,” reklamo ng isa sa mga residente.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mga ito na gagawa ng hakbang ang alkalde upang hindi na malagay sa panganib ang buhay ng mga residente.
-Rommel P. Tabbad