Sa nakaraan niyang State of the Nation Address (SONA), inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niyang makipaggiyera sa China sa ginagawa nitong pananakop sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Mamatay lang, aniya, ang kanyang mga sundalo kapag ipinadala niya ang mga ito upang labanan ang pananakop. Kaya, sa bagay na ito siya raw ay inutil. Kaya, ayon kay Sen. Francis Pangilinan, pagpapakita ito ng karuwagan ng taong madaling magpatalo. Parang ganito na rin ang nais ipadama ng Pangulo sa sambayanan sa paglaban ng gobyerno sa COVID-19. Bakit nga ba hindi, eh sukat ba namang ikinagalit niya ang kahilingan ng mga grupo ng mga doctor na ibalik uli sa mahigpit na quarantine ang Mega Manila. Nais nilang makontrol ang pagdami ng mga nagpapagamot sa mga ospital dahil nadadaig na ng kanilang bilang ang mga umaasikaso sa kanila. Ang mga doctor at healthcare workers ay nagkakasakit na at nangangamatay. Kaya, habang dinadagsa ng mga may sakit ang mga ospital, nababawasan naman ang kumakalinga at gumagamot sa kanila. Ang hinihingi lamang ng mga doktor ay time-out, hindi upang mamahinga kundi upang maging sapat ang kanilang dami na aasikaso sa mga nagkakasakit, na sa pamamagitan ng striktong quarantine ay mabawasan ang pagdagsa nila sa mga ospital. “Napikon lang ang Pangulo,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Nauna kasing nalaman ng publiko ang hinaing ng mga doctor kaysa Pangulo dahil idinaan din nila sa online at media ang kanilang liham sa kanya. Nais ng Pangulo na idiretso ito sa kanya.
Isa pa, inamin ng Pangulo na wala nang pera at pagkaing ipang-aayuda ang gobyerno sa mamamayan. Bagamat pinagbigyan ng Pangulo ang mga doctor at ni-lockdown mula Agosto 3-18 ang Mega Manila, ang dating sa kanya ng hinaing ng mga doctor ay nais nilang mag-alsa. Hinamon niya sila na gawin nila kaagad ito. Naging masama sa panlasa ng mga doctor ang naging reaksyon ng Pangulo.
Sa inaasal ng Pangulo, wala sa kanya ang lideratong magtatawid sa bansa sa pandemya. Nais niya kasing sa kanya lang umiikot ang pagkilos laban dito. Kapag may naiulat na mungkahi ang iba na makatutulong sa paglaban o pagsawata sa pagkalat ng virus, lagi niyang sinasabi na kung magaling sila, bakit hindi sila naging Pangulo? Madaling mapikon tulad ng naging reaksyon niya sa ginawa ng mga doctor. Inaamin niyang parang wala nang kakayahan ang kanyang administrasyon dahil wala nang pera ang gobyerno. Animo’y sa ginta ng labanan, naubusan na siya ng bala. Ipagpalagay natin na ito ay totoo, bakit hindi niya gawin ang kanyang naunang banta na ibenta ang ari-arian ng gobyerno? Higit sa lahat, hindi siya ang lider na kayang pagisahin, kahit pansamantala lamang, ang taumbayan at tamasahin ang kanilang paggaling. Sa panahong dapat ay nagkakaisa ang lahat upang epektibong malabanan ang pandemya, hinahati niya ang mga ito. Sukat ba namang ipapasa niya sa Kongreso ang Anti-Terror Law, isulong ang charter change at imungkahing ibalik ang death penalty. Walang magagawa ang mamamayan kundi magtiis at gumawa ng sariling paraan para abutin pa nilang buhay ang inaasahan ng Pangulo na bakunang darating sa kinaibigan niyang bansa.
-Ric Valmonte