“Ano ang gusto ninyo rebolusyon? Kung gusto ninyo ang rebolusyon, ngayon na. Kapag ginawa ninyo ito, binibigyan ninyo ako ng ticket na gumawa naman ng counter-revolution,” wika ni Pangulong Duterte sa pakikipagpulong niya sa kanyang Gabinete noong gabi ng linggo. Bahagi ito ng kanyang reaksiyon sa liham sa kanya ng 60 medical groups na humihiling na isailalim muli ang Mega Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil dinadaig na ang healthcare system sa pagdami ng mga nagkakasakit ng COVID-19. “Natatalo tayo ng COVID-19, kaya kailangan gumawa tayo ng pinag-isa at malinaw na plano ng pagkilos. Iminumungkahi naming ang dalawang linggo ng ECQ para magkaroon ng pagkakataon na mapino ang ating stratehiya sa pagkontrol ng virus,” wika ng grupo sa kanilang liham. Ikinagalit ng Pangulo hindi dahil nagreklamo ang mga medical group, kundi nagviral sa social media ang kanilang reklamo at lumabas ito sa media, bago pa niya matanggap ito. Kaya, sabi niya sa mga nagreklamo na sa susunod ay dumiretso na lang sila sa kanya at mag-usap sila.
Pero, ang hinaing ng mga medical group ay nangangailangan ng agarang aksyon. “Ang ating mga health-care workers ay nagkakasakit na habang inaalagaan nila ang mga pasyente, sa pagtugon nila sa kanilang tungkulin, samantalang nilalabanan nila ang takot at pagkabagabag dulot ng COVID-19. Ang ating mga healthcare workers ay pagod na sa hirap na parang wala nang katapusang pagdami ng mga pasyenteng dumarating sa mga ospital na nangangailangan ng agarang paggamot,” wika ni Philippine Medical Association president Jose Santiago, Jr. sa binasa niyang liham sa Pangulo sa online news conference. Sa ganitong kagipitan, magagawa pa bang makausap ang Pangulo o ipaabot ang problema sa kanya ng personal? Hindi nga natin alam kung nandito siya sa Maynila o Davao. Pinupulong niya kung minsan ang kanyang Gabinete sa Davao kung saan dito rin siya humaharap sa taumbayan. Maaaksyunan ba kaagad niya ang ganitong problema ng mga doctor at health workers? Isa pa, bakit ka didiretso sa Pangulo kung ganito ang ugali niya lalo na kung ayaw niya ang iyong hinihiling? Rebolusyon kaagad ang nasa isip niya na nais mong mangyari. Hindi naman sinabi ito ng mga medical group.
Sa totoo lang, ayaw na ni Pangulong Duterte na mag ECQ. Ang Cabinet member niya at Department of Trade Secretary Ramon Lopez ay hindi sinusuportahan ito. Matuto tayo, aniya, na mabuhay na nandito ang virus dahil hindi naman mapapawi kaagad ito. Ganito rin ang sinabi ni Sen. Cynthia Villar na may pasaring pa: “Gawin nilang mabuti ang kanilang trabaho. Hindi natin pwedeng isara ang ekonomiya dahil kapag hindi naman namatay ang mga tao sa COVID-19, mamatay naman sila sa gutom.” “Wala na akong pera. Wala nang pagkain at ayuda,” sabi naman ng Pangulo. Kaya, nagalit siya sa ginawa ng medical group na publiko nilang inihayag ang laman ng kanilang liham sa kanya. Dahil sa ang reklamo at kahilingan ay nagbuhat sa mga mismong nakikibaka sa COVID-19 at tagadepensa ng taumbayan, hindi matatawaran na makatuwiran, makatarungan at balido ang mga ito. Napilitang sumunod ang Pangulo at naglockdown sa Mega Manila pero humirit pa ito ng pananakot.
-Ric Valmonte