SA hakbang na maipaliwanag ang estado ng health system ng bansa sa panahong ito ng pandemya, sa halip na purihin ang mga medical frontliners para sa kanilang pagsisikap, ay inakusahan pa ng pagpapahiya sa pamahalaan sa hindi direktang pag-uulat ng kanilang apela sa Pangulo.
Higit 80 medical association ang humiling na ibalik ang Mega Manila sa estadong enhanced community quarantine (bagamat modified ang inaprubahan) bilang paraan ng pagbibigay ng pahinga sa pagod na pagod nang health institutions at mga mangagawa. Ang petisyong nagmula sa pinakamatatalino at mahuhusay na medical professional ng bansa, ay malinaw na deklarasyon na sa kabila ng panawagan mula sa Estado para sa mga medical workers na pumasok sa serbisyo, na ginamitan pa ng malalaking bonus upang makahikayat, nanatiling bigo ang recruitment.
Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit kinailangan nilang isulong ang panawagan, dahil sa tambak na tungkuling ginagampanan ng mga health workers na nagtatrabaho ng 12-oras habang ang mga ospital na may mga positibong kaso ng COVID-19 ay umaabot na sa 100,000 mark, kaya’t nag-uumapaw na ang mga pasyente ng pandemya.
Ang trabaho ng nasa frontline ay hindi patungkol sa ekonomiya o ang mamuhay kasama ng pandemya tulad ng suhestiyon ng ilang opisyal ng gabinete, ito’y nakatuon sa pagpigil ng pagkalat ng virus habang hindi pa natutuklasan ang bakuna. Kung epektibong mapigil ang pagkalat ng virus, maaasahan natin na ang ekonomiya, na bugbog na sa mga projection ng mga eksperto at mga emosyonal na kalkulasyon, ay makapagbubukas nang mas produktibo.
Ang apela para sa ECQ, ay pagbibigay rin ng pahinga sa mga matapang na nakikipaglaban sa sakit. Sa pagbagsak ng mga frontliner, may maibibigay bang kapalit ang Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases? Walang dudang hindi kayang ipadala ng mga heneral ang kanilang mga sundalo upang rapiduhin ang mga hindi nakikitang kalaban.
Sa panunuya sa mga medical frontliner, nakaligtaan ng Palasyo ang realidad na ang ating mga medical workers ay hindi makina at maaari silang dumanas ng matinding pagod at pagkakasakit. Sapagkat hindi naman nadaragdagan ang kanilang bilang dahil sa pagkabigo na mahikayat ang mas maraming doktor, nurses at medical technologist na sumabak sa pakikipaglaban sa virus, asahan natin na ang mga matatapang na mangagawang ito ang sunod na biktima ng COVID-19.
Kung dumating ang sitwasyon kung saan malaking bilang ng mga indibiduwal at mga institusyong namamahala sa mga medical frontline ang magdesisyong sapilitang magpahinga para sa kanilang sariling kapakanan, anong solusyon ang maibibigay ng pamahalaan? Ang pagbibigay ng MECQ, bagamat inaprubahan nang may kasamang pang-iinsulto, ay tumutukoy sa rasyonalidad ng apela, na mas matunog ito kumpara sa mungkahi ng ilang IATF honchos na pilit itinutulak ang kanilang kagustuhan kahit pa taliwas ito sa pamantayang medikal.
Kailangan itigil ng estado ang mga ‘di makatotohanan ng forecast; at sa halip ay yakapin ang nagsusumigaw na katotohanan na nararanasan ng mga medical workers sa loob ng mga ospital. Mas mahalaga ito kumpara sa pagdidisenyo ng mga motorcycle barrier o pag-aresto at paghahain ng asunto laban sa mga nagugutom at palaboy. Higit pa dito, hindi dapat ituring ng Pangulo na pagdusta ang anumang apela na ipinararating sa kanya, direkta man o hindi.
-Johnny Dayang