BAGONG panganib sa buhay at pag-ibig ang haharapin ni Cardo Dalisay (Coco Martin) sa umeereng FPJ’s Ang Probinsyano sa pagpasok ng karakter ni Richard Gutierrez bilang si Lito na kababata at dating kasintahan ni Alyana, karakter ni Yassi Pressman.
Sa nakaraan nina Lito at Alyana ay nangako ang huli na babalikan niya ang dating kasintahan nu’ng lumuwas siya ng Maynila at pinanghahawakan iyon ng una kaya nagsumikap, nagpakayaman para sa muli nilang pagkikita ng dalaga ay hindi na siya iiwanan muli.
Ayon kay Richard, “Excited ako bilang aktor na maging bahagi ng ganitong klaseng show na ilang taon nang tumatakbo pero sinusubaybayan pa rin ng ating viewers. Dapat nilang abangan ang unang paghaharap namin ni Cardo at ang love story namin ni Alyana.”
Base sa ginanap na virtual mediacon gamit ang Zoom app nitong Lunes ay abut-abot ang pasalamat ni Richard kay Coco.
“I’m very thankful na napasok ako dito sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano’. Si Coco nga nag-usap na kami niyan before and sabi nga niya gusto niya akong makatrabaho. Sabi ko ganu’n din ako, gusto ko siyang makatrabaho.
Unang araw palang ng taping ng Ang Probinsyano ay ipinaramdam na raw nina Coco kasama ang co-actors at Dreamscape Entertainment team ang mainit na pagtanggap nila kay Richard.
“Nu’ng first day namin, du’n pa lang in-establish na niya ‘yung magiging parang rapport namin kasi as a director, ramdam ko talaga na pinapaganda niya yung mga eksena.
“Yung mga eksena ko nararamdaman ko na inaalagaan niya. Kumbaga ang daming anggulo, ang daming shots, tapos ayaw niya ng mga eksena na parang puwede na.
“As a director, ramdam ko na alam niya yung hinahanap ng artista, alam niya yung shots so, ang galing niya as a director and pinaramdam niya sa akin na inaalagaan niya ako.
“Katunayan nga niyan nu’ng first day sa taping, napansin ko parang ako na lang ang kinukunan niya, parang nakalimutan yata niya yung sarili niyang kunan.
“Kasi parang naka-concentrate siya masyado sa mga eksena ko sabi niya sa akin, ‘O, nakalimutan ko kunan yung sarili ko. Ako naman.’ So parang alagang-alaga ako sa set.
Dagdag pa ni Richard, “Kaya nagwo-work ang ‘Probinsyano’ kasi teamwork and story-based talaga lahat. Kumbaga naka-focus sa story at hindi sa isang tao lang or sa isang character lang.’ So na-appreciate ko yun kay Coco na winelkam niya ako ng ganu’n.
At siyempre pinuri rin ni Richard ang direktor niya na magaling na aktor.
“As an actor naman, ang galing din Coco kasi imagine switching from director to actor, that’s not easy di ba. I guess nakasanayan na niya and I think yung character niya as Cardo humang hulma na kumbaga alam na alam na niya.
“Grabe yung mental focus niya. Collaborative si Coco, eh. Very open siya creatively. Pag may suggestion ako or pag may suggestion yung ibang actors, hindi lang ako pero lahat, sabi nga niya teamwork so kung ano yung ikagaganda ng character or ikagaganda ng show, du’n kami pupunta. Pag may ideas ka, naa-appreciate niya yun.”Ang pagdating ni Richard ang isa sa inaabangan ng manonood ng programa dahil inaabangan kung muling mawawala si Alyana sa buhay ni Cardo na napapanood na ngayon sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Para makahabol ang lahat, simula Lunes (Agosto 3) ay ipapalabas sa unang tatlong linggo ng Kapamilya Online Live ang episodes ng show na umere sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV bago ang bagong episodes na ipapalabas sa ikaapat na linggo.
-Reggee Bonoan