HABANG nananalasa ang pandemya ng COVID-19 sa buong mundo, kasama sa pinahihirapan nito hanggang sa ngayon ay ang ating bansa, ay may isang matindi rin na nakahahawang “virus” ang umaatake sa loob mismo ng mga sangay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at ang karamihan sa biktima ay ang mga opisyal ng naturang tanggapan.
Ang mga tinatamaan ng sakit na ito ay kailangan din agad na i-quarantine, ang problema lang, mismong ang mga quarantine officer ay agad nahahawaan ng mga ito, kaya hindi natutuloy ang pag-isolate sa kanila – resulta patuloy ang kanilang pamamayagpag sa buong komunidad dala ang naiibang “virus” na tumimo na sa pagkatao nila.
Kung sa COVID-19 ay naghihirap ang ating mga kababayan na tinamaan nito, dahil sa mahal ang pagpapagamot, ang “virus” naman sa Philhealth ay ginagawang mayaman ang mga tinatamaan nito kaya lalong umaalwan ang kabuhayan.
Yun lang – ang side effect ng “virus” na ito sa PhilHealth ay pasang krus naman para sa nakararami nating mga kababayan, na lalong nalulugmok sa kahirapan, dahil sa ang dapat na lunas para sa kanilang mga karamdaman, ay pinagpasasaan na ng mga opisyal na tinamaan ng nakahahawang “virus” na ito.
Wala pang pangalan ang “virus” kaya binansagan ko itong KUPIT2020. Dahil sa halip magdusa ang mga kinakapitan, ay nagtatampisaw sa karangyaan sa bilyones na perang nakupit nila sa PhilHealth, na dapat sana’y nakalaan sa kalusugan ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng programang - Universal Health Care Law.
Noon pang mga nakaraang administrasyon palihim na umaatake ang KUPIT2020 virus sa loob ng mga tanggapan ng PhilHealth sa buong bansa, kaya’t pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, agad itong binalasa at nilagyan ng inaakala niyang pupuksa sa “virus” na ito, sa katauhan ni Ricardo Morales bilang pangulo at chief executive officer.
Komento ni Presidential spokesman Harry Roque: “When he (Morales) was placed there by the President to replace a board and a previous president because of the Wellmed scam, our expectation is that he would take concrete steps to rid the agency of corruption.”
Ngunit sa halip na mapatay ang KUPIT2020 virus, tila yata naging “asymptomatic” si Morales, at ang korapsyon sa ahensiya ay mas nagpatuloy pa sa pananalasa.
Dismayado rin si Roque sa pag-amin ni Morales -- na “talamak pa rin ang korapsyon sa ahensiya’ -- nang isalang ito sa isang pagdinig ng Senado nitong Martes. Inamin niya rito na bigo ang pamunuan niya na tanggalin ang korapsyon sa ahensya.
Sa madaling sabi ay patuloy pa rin pala ang pananalasa ng KUPIT2020 sa PhilHealth.
Ang tanong ko lang: “Infected na rin ba siya ng virus na ito?
Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin siya sinibak sa puwesto ni Pangulong Duterte. Ang sabi nga sa media ni Spox Roque: “I am not in a position to tell him what to do. The President has said that he will not fire him unless there is evidence”
Ngunit sa palagay ko, para sa nakararaming kababayan natin na sobrang naapektuhan ng korapsyon sa PhilHealth, dapat i-quarantine ang mga dinapuan ng virus na KUPIT2020, hindi lang ng 14 days bagkus ay panghabang buhay pa!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.