SUPORTADO ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang posibilidad na magsagawa ng ‘bubble practice’ ang Philippine Basketball Association (PBA) sa lugar na umiiral ang mas maluwag na General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Mitra, katanggap-tangap ang naturang opsyon, higit at may mga lalawigan na mataas ang hatak sa basketball ang nagpapairal ng mas maluwag na quarantine tulad ng Batangas, Bataan, at Quezon.
"For as long as the target region is under GCQ or a less strict quarantine status, pro teams can enter in a bubble as approved by the provisions of the Joint Administrative Order signed by the Department of Health, GAB and the Philippine Sports Commission," pahayag ni Mitra sa Philippine Sports Association (PSA) online forum nitong Martes.
Gayunman, kailangan ng team na humingi ng clearance mula sa PBA Commissioner's Office gayundin sa local government unit kung saan sila magsasagawa ng workouts.
“Kung talagang gusto na nilang magensayo suportado kami dyan basta sa mga lugar na itinatadhana ng IATF. Wala tayong magiging problema dyan,” aniya.
Matatandaang nalagay sa alanganin ang Blackwater Elite (Bossing) kamakailan nang magsagwa ang koponan nang ensayo na taliwas sa aprubadong bilang ng players ng IATF.
Nakalusot ang pamunuan ng Blackwater sa sanctioned ng GAB matapos ang personal na paghingi ng paumanhin at paliwanag ni team owner Dioceldo Sy, ngunit napatawan ang Elite ng P100,000 multa ng PBA Commissioner’s Office at isinailalim sa COVID-19 testing ang mga players.
“Yung approval ng IATF sa JAO ang atin pong dapat sundan. Walang isyu kung aantayin natin kung ano ang magiging desisyon nila,” ayon kay Mitra.
Naunsiyami ang nakatakda nang ensayo ng PBA, gayundin ng iba pang pro league tulad ng Philippine Football League (PFL), at contact sports na boxing, mixed martial arts at muaythai bunsod nang muling pagdeklara ng Pangulong Duterte na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at karatig na lalawigan sa Luzon sa Agosto 4-18. Marivic Awitan