NABINBIN ang pagbabalik-ensayo at pagsasanay ng mga players ng Philippine Basketball Association (PBA) pagkaraang ilagay ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ang buong National Capital Region ay ilalagay sa MECQ mula Agosto 4 hanggang 18 pagkaraang irekomenda ni Department of Health Secretary Francisco Duque kaugnay ng panawagan ng medical sector dulot ng pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus infections sa bansa.
Dahil dito tiyak ng mauurong ang nakatakda na sanang pagbabalik-ensayo ng mga professional sports teams na nauna ng pinahintulutan ng Inter-Agency Task Force.
Ito'y sapagkat nakasaad sa Joint Administrative Order (JAO) ng Department of Health, Games and Amusements Board at ng Philippine Sports Commission na ang mga professional athletes ay maaari lamang makapagsanay ng nagsosolo sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.
Pinapahintulutan lamang ang ensayo ng mga teams sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ)
Mga non-contact sports lamang na gaya ng biking, running, at jogging na mayroong minimum health standards ang pinapayagan sa mga MECQ areas.
Plano sana ng PBA na magbalik ensayo na ang kanilang 12 teams ngayong buwan pagkaraang pumailalim sa swab testing ng lahat ng mga players, coaches at mga medical staffs sa darating na Agosto 7-8.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, posibleng iantala na muna nila ang swab testing.
Wala rin aniya silang magagawa kundi ang mag-adjust na lamang at sumunod dahil para naman sa kaligtasan ng lahat ang nasabing desisyon ng gobyerno.
"Since sinabi na ng government, kung makakabuti sa lahat yan, bakit hindi? So adjust kami at ide-delay lang muna natin ang testing at ia-adjust natin ang practice (of teams)," ani Marcial.
Ayon pa kay Marcial, ang pandemic ay seryosong banta para sa lahat kung kaya pinaalalahanan nito ang mga PBA players na sumunod sa ipinatutupad na istriktong health and safety protocols bilang pakikiisa sa paglaban sa virus.
"Lahat naman tayo kinakabahan. Lahat naman tayo aligaga. Hindi lang naman PBA pero lahat ng tao so kailangan talaga ng disiplina ng tao. So kung ano ang sinasabing protocols, sundin natin," ayon pa kay Marcial.
"And sinasabi ko din sa kanila, alam ko excited na sila mag-practice pero para na din sa proteksyon ng lahat na obserbahan (ang health procols) kasi di naman natin ginusto ito."
Hindi rin aniya sya naiinggit sa nauna ng pagbabalik at paglalaro muli ng NBA dahil ang kaligtasan ng lahat ang nananatiling prayoridad ng liga.
"Di ka dapat mainggit dito kasi buhay ng tao ang nakataya dito. So wala ka dapat kainggitan. Wala ka dapat sisihin."
Bukod sa PBA, apektado rin ng paglalagay sa NCR sa MECQ ang dapat na pagbabalik ensayo rin ng mga koponan ng Philippine Football League at Chooks-to-Go Pilipinas 3x3. Marivic Awitan