PATULOY sa pangungutang ang Pilipinas para gamitin sa pagpopondo sa COVID-19 na patuloy sa pananalasa sa maraming panig ng mundo, kabilang ang Pilipinas. Kelangan daw gawin ito.
Batay sa report, sumikad sa P1.72 trilyon ang borrowings o utang ng ating bansa mula Enero hanggang Hunyo nang ang pamahalaan ay taasan ang debt issuances at loan availments para makakuha ng pondo sa paglaban sa coronavirus.
Sa pinakahuling datos ng Bureau of Treasury (BTr), ang pambansang gross financing mula Enero-Hunyo ay sumipa ng 104.86 porsiyento o P1.72 trilyon mula sa P840.84 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa rekord ng BTr, nitong Hunyo lang, umabot sa P213.23 bilyon ang borrowings o utang, halos apat na beses na mataas sa P53.71 bilyon noong nakalipas na taon. Nilalakihan ng ‘Pinas ang pangungutang upang pagtakpan ang deficit sa budget na inaasahang lalawak pa sa P1.613 trilyon o 8.4 porsiyento ng gross domestic product (GDP) dahil sa COVID-19.
Inaprubahan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang panukalang P4.506 trilyong national budget para sa 2021, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa ilalim ng Constitution, ang sangay ng Ehekutibo ay may 30 araw o hanggang Agosto 27 mula sa resumption ng sesyon ng Kongreso, para isumite ang budget proposal. Itinaas ng DBM ang pambansang budget para sa 2021 na P4.506 trilyon mula sa unang P4.335 trilyon matapos suriin ang lahat ng proposal ng mga departamento.
Samakatwid, ang panukalang budget para sa 2021 ay mataas nang 9.9 porsiyento kaysa budget ngayong 2020 na P4.1 trilyon at katumbas ng 21.8 porsiyento ng GDP ng bansa. Badya ng DBM: “Every peso of the proposed P4.506 trillion 2021 budget went through numerous budget hearings and consultations with the agencies, and levels of scrutiny and approval.”
Nang malaman at marinig ito sa radyo nina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera na mahina sa kuwentahan at bagay-bagay tungkol sa pananalapi at budget, ang tanging nasabi nila ay: “Sana ay magamit sa tama ang P4.506 trilyon at hindi mapunta sa kung saan-saan lang.”
Nanindigan naman ang Budget Department na ang 2021 budget ay gagamitin at itutuon sa pagsisikap ng Duterte administration na tugunan ang krisis na bunsod ng COVID-19. Aminado ang tatlong ordinaryong mamamayan ng Pilipinas na hindi sila masyadong maalam sa tema ng pananalapi, ang alam lang nila ay magamit sa tama at angkop ang pera ng bayan, at hindi masilid sa bulsa ng walang-hiyang mga pulitiko na walang sawa sa pangungarakot kahit nagdidildil ng asin ang milyun-milyong Pinoy na nangawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Nasa MECQ (Moderate Enhanced Community Quarantine) uli ang Metro Manila mula sa GCQ (General Community Quarantine). Buti sa MM lang at ilang probinsiya sa Central Luzon at Calabarzon. Kung nagkataong ang inirekomenda ng IATF kay Mano Digong ay buong Luzon, Visayas at Mindanao, baka lalong lumaki ang populasyon at natin at magka-baby boom dahil laging nakakulong sa bahay sina Mister at Mrs sa maghapon.
-Bert de Guzman