SANA naman ay namamalikmata lamang ako sa nabasa kong post -- “Mula bukas shoot to kill na ang lalabag sa MECQ”-- sa Facebook account ng isang dating konsehal sa Quezon City, na ngayon ay pinuno pa naman ng isang tanggapan na masasabing katuwang ng mga pulis sa pagpapalaganap ng katahimikan at disiplina sa pinakamalaking siyudad sa Metro Manila.
Pasado alas kuwatro ng hapon, napatigalgal ako habang binabasa ang FB post na ito -- shoutout kung tawagin ng millenials – mula sa isang nagngangalang Rannie Ludovica.
Nagulat pa nga ‘yung alaga kong pusa na natutulog sa tabi ng work station sa lakas ng sigaw ko ng: “Ano siya berdugo ng Quezon City?”
Aba’y masahol pa siya sa mga “berdugo” na pulis at militar na nakilala ko habang nagko-cover sa mga kampo at presinto sa Metro Manila.
Ang mga ito kasi berdugo ng mga salot sa lipunan o ‘yung kung tawagin ng mga operatiba ay “tumbahin” na at kailangan nang walain. Pero ni minsan hindi ipinangalandakan ng mga ito na may itutumba o wawalain na sila.
Sabagay ‘di pa naman kasi uso noon ang social media kung saan pwede mong idaldal at ipagmalaki ang lahat ng pribado at katarantaduhan mong pinaggagagawa sa buhay.
Pero naisip ko rin baka naman nagbibiro lang itong si Ludovica, gaya ng mga ibang may account sa FB na mahilig mag-post ng – “Jok jok jok” lang ito.
Kaya dali-dali akong nag-google upang alamin kung sino ba itong si Ludovica -- at ang unang bumulaga sa akin na impormasyon ay isa itong dating konsehal sa District 2 ng Quezon City, na ngayon ay nakatalagang pinuno ng Q.C Task Force Disiplina.
Aba’y ‘di yata magandang pakinggan ito, lalo pa’t galing ang pagbabanta mula sa isang pinuno ng task force na ang trabaho ay mag-disiplina sa kanyang nasasakupan, bilang isang “force multiplier” ng mga pulis at social worker.
Lito at sobrang nahihirapan na ang ating mga kababayan, lalo pa nga’t nangangamba ang karamihan kung paano sila magsu-survive sa dagdag pahirap na ito, ang pagbabalik ng Metro Manila sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa loob ng dalawang linggo..
Biglang umandar ang aking utak na parang may balita na gustong ipakalkal sa akin. Hinggil ito sa pagiging brusko ng mga tauhan ng task force na ito sa QC --- google pa more at ito ang mga impormasyong bumulaga sa akin.
Nito lamang Abril, naging kontrabersiyal ang QC Task Force Disiplina dahil sa mga naglabasang video nang pambubugbog ng mga tauhan nito sa isang fish vendor na, matigas daw ang ulo at ayaw mag-suot ng facemask.
Heto pa - “bugbugan blues” ng ilang sumama sa rally na naging riot sa Sitio San Roque. Ang mga raliyista ay nagpa-follow-up lang sa ipinangako sa kanilang “tulong” na ‘di pa rin naibibigay, ngunit sa halip na tulong, bugbog at kulong ang inabot ng mga ito!
Isa sa mariing kumundena sa pahayag na ito ni Ludovica ay ang Concerned Students for Justice and Peace Metro Manila (CSJP-MM): “Sa panahon kung saan laganap ang pagpatay, impyunidad, at paglabag sa karapatang-pantao, walang puwang ang ganitong pahayag na direktang makapapahamak sa buhay ng mamamayan, biro man o hindi. Higit pa itong dapat kundenahin dahil nanggaling ito sa isang opisyal – isang taong trabaho ang paninilbihan sa mamamayan at hindi pananakot.”
Makaraan lamang ang ilang minuto, nang balikan ko ang FB account post Ludovica, wala na ito matapos putaktihin ng mura mula sa galit na galit na netizen, na karamihan ay taga-Quezon City.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.