NAUUNAWAAN natin ang paghihirap na kinakaharap ng ating mga opisyal sa panahong ito ng COVID-19 pandemic.
Sa kabilang banda, batid natin ang katotohanan na laganap pa rin ang coronavirus. Hanggang nitong Hulyo 31, sinabi ng Department of Health at ng World Health Organization na nakapagtala na ang Pilipinas ng 93,354 kaso at 2,023 pagkamatay. Pilipinas na ngayon ang may pinakamaraming kaso Western Pacific region – higit sa 87,245 kaso ng China, 51,531 ng Singapore, 33,049 ng Japan, 15,582 ng Australia, 14,269 ng South Korea, at 8,956 ng Malaysia.
Karamihan sa ating kaso ay naitatala sa Metro Manila at Region IV – Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal –kasama ng Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, Zamboanga City, at bayan ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu. Sa Metro Manila at Region IV, may mga barangay na ipinatutupad ang mahigpit na localized lockdown, dahil nasa kanila ang 80 porsiyento ng kaso.
Ngunit ang Metro Manila at Region IV din ang bumubuo sa 67 porsiyento ng pambansang ekonomiya. Matinding pinsala sa ekonomiya ang idinudulot ng lockdown at iba pang quarantine restrictions, lalo na sa consumer sector, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III. Lumubog ang ekonomiya sa pinakamababa nitong kalagayan noong Abril at Mayo, aniya, ngunit unti-unti na itong nakababangon sa pagluluwag ng restriksiyon ng pamahalaan,
Noong Hulyo 22, nagpaalala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na matapos ang limang buwang restriksyon, maraming negosyo ang nanganganib nang magsara. Nang sumunod na araw, sinabi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na 52.66 porsiyento ng micro, small, at medium enterprises sa bansa ang nagsara panandalian at tuluyan.
Nitong nakaraang weekend, nakipagpulong ang mga kinatawan ng Philippine Medical Association, Philippine Nurses Association, at Philippine Association of Medical Technologists sa mga opisyal ng pamahalaan at humiling ng “timeout” –pagbalik sa orihinal na Enhanced Community Quarantine (ECQ). Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra nauunawaan niya ang pagod na nararamdaman ng mga health professionals, ngunit milyun-milyong tao ang kailangang bumalik sa trabaho o kung hindi ay mamamatay sila sa gutom.
Nagdesisyon si Pangulong Duterte sa kompromiso—isang hakbang paatras para sa Metro Manila patungo sa “Modified ECQ” (MECQ) sa halip na dalawang hakbang paatras sa orihinal na mahigpit na ECQ tulad ng rekomendasyon ng mga health workers. Ipatutupad ang MECQ sa loob ng 15 araw, matapos nito muling magdedesisyon ang pamahalaan depende sa sitwasyon.
Umaasa tayong ipatutupad nila ang pinakakailangan para sa kapakanan ng bansa—para sa mga medical frontliner, para sa mga tao na kailangang magtrabaho at para sa buong bansa.