HINIKAYAT ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang mga residente na agad lumapit at makipag-ugnayan sa operation center (OpCen) ng lungsod kapag nakaramdam ng sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang Facebook post, nilinaw ng lokal na pamahalaan na hindi na kailangan pang magtungo ng mga residente sa ospital o Super Health Centers dahil maaari nang tumawag ang mga residente sa OpCen sa pamamagitan ng hotline na may numerong: 8-643-0000 o 0961-582-5019, para humingi ng tulong o anumang problema sa gitna ng coronavirus outbreak.
Sa pamamagitan ng pagtawag, susuriin ng kinatawan mula Pasig City Health Office ang sitwasyon ng residente. Agad na bibigyan ng rekomendasyon ang tumawag matapos ang assessment.
Ipinatutupad ngayon ng lokal na pamahalaan ang “triaging effort” kung saan ang mga tatawag sa COVID-19 hotline ng lungsod o ang mga apektadong tao na magtutungo sa mga health centers at mga ospital, ay agad na dadalhin sa quarantine facilities.
Samantala, pansamantalang isinara ng Pasig ang apat nitong barangay health centers matapos mahawaan ang ilang staff ng COVID-19.
Sa isang hiwalay na post, sinabi ni Mayor Vico Sotto na hinihintay pa ng mga healthcare workers at ibang staff ng Manggahan Super Health Center, Napico Health Center, at Maybunga Floodway Health Center ang kanilang COVID-19 swab test result.
Habang ang mga kawani naman ng Caniogan Health Center ay nakasailalim pa rin sa quarantine at sumasailalim sa swab testing.
Sinabi ng alkalde na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang kanilang makakaya upang higit pang mapalawak ang kapasidad ng mga health center sa siyudad.
“We ask for your continuous support and cooperation as we work to increase our healthcare system’s capacity every day,” anito.
Samantala, ibinahagi rin ni Sotto na sinimulan na ng siyudad ang pamamahagi sa bahay-bahay ng bagong rasyon ng food packs para sa mga residente ng Pasig.
“We won’t be able to give everybody another round of goods, so we will focus on those under localized ECQ and other areas where needed most,” anito.
Muli rin pinaalalahanan ni Sotto ang mga residente na manatili sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang local transmission sa mga komunidad at ugaliing sumunod sa mga health protocols ng pamahalaan.
PNA