LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Hataw si Kyle Lowry sa natipang 33 puntos at 14 rebounds para sandigan ang defending NBA champion Toronto Raptors sa pagsisimula ng kampanya ngayong season kontrra sa inalat na Los Angeles Lakers, 107-92, nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Ito ang ika-11 sunod na panalo ng Raptors sa kanilang match-up laban sa Lakers.
Nag-ambag si OG Anunoby ng 23 puntos sa Raptors, ang second-place team sa Eastern Conference, hindi pa natatalo sa Los Angeles mula noong 2014-2015 season.
Kaagad na naginit ang opensa ni Lowry sa second half para maabatan ang pagbalikwas ng Lakers, ang Western Conference leader na may 1-1 karta sa pagbabalik aksiyon ng liga.
Naisalpak ni Lowry ang 3-pointer mula sa kanang bahagi ng court para sa 97-86 bentahe ng Raptors may 3:01 ang nalalabi sa laro.
Kumana si LeBron James ng 20 puntos at 10 rebounds, habang tumipa si Anthony Davis ng 14 puntos – malayo sa naiskor na 34 sa panalo laban sa Los Angeles Clippers sa kanilang unang laro. Nag-ambag si Kyle Kuzma ng 16 puntos.
PACERS 127, SIXERS 121
Naitala ni T.J. Warren ang career-high 53 puntos, habang humarbat si Victor Oladipo ng 15 puntos sa impresibong panalo ng Indiana Pacers kontra Philadelphia 76ers.
Nakuha mula sa offseason trade sa Phoenix, tumipa ang six-year veteran ng 20 of 29 sa field at 9 of 12 mula sa 3-point range para sa kauna-unahang 50 plus career points.
Nakuha ng Pacers (40-26) ang fifth seed sa Eastern Conference, ngunit kapawa pasok sa playoff.
Kumasa si Joel Embiid ng 41 puntos at 21 rebounds para sa Sixers.
CLIPPERS 126, PELICANS 103
Naisalpak ni Paul George ang tatlong sunod na 3-pointers sa kaagahan ng laro tungo sa kabuuang 28 puntos at sandigan ang panalo ng Los Angeles Clippers kontra New Orleans Pelicans.
Nabura ng Clippers ang franchise record sa natipang 25 of 47 3-pointers, tampok ang 8 of 11 ni George. Napantayan din ng Clippers ang team record sa 3-points made sa half at kinapos lang ng bahagya para sa NBA record sa naisalpak na 16 of 24 para makuha ang 77-45 halftime lead.
“We were just having fun with it,” pahayag ni George. “We put the work in tonight and it paid off at the end.”
Nakuha ng Los Angeles ang unang anim na 3-pointers para sa 20-6 bentahe.