INIHAYAG ng US- based rating agency na Moody’s Investor Service na hindi makabubuti ang pag-pressure ng Malacanang sa malalaking negosyo sa bansa, partikular sa telecommunication providers (Smart at Globe) at sa water concessionaires (Maynila at Manila Water), dahil nagpapahiwatig daw ito ng kawalang-katiyakan at paghina ng political at legal governance sa Pilipinas.
Magugunitang sa ika-5 SONA ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), nagbanta siya sa Globe at Smart na kung hindi pagbubutihin at aayusin ang serbisyo hanggang Disyembre, mapipilitan siyang i-expropriate o kamkamin ang kanilang mga kompanya.
Ang Smart ay ari ng PLDT na ang puno ay si businessman Manuel V. Pangilinan (MVP) samantalang ang Globe Telecom ay kontrolado ng mga Ayala. Hawak din nina MVP at Ayala ang Maynilad Water Services Inc. sa ilalim ng Metro Pacific Investments Corp at ang Manila Water ay sa pamamagitan ng Ayala Corp.
Sinabi ni Christian de Guzman, Moody’s senior vice president, mataas ang antas ng political risk sa PH dahil umano sa “unpredictability in government policies.” Ayon sa kanya, inoobserbahan din ng Moody’s ang iba pang pangyayari (developments) sa ‘Pinas, gaya ng pagkabigo ng media giant ABS-CBN na makakuha ng bagong prangkisa, mula sa House of Representatives (HOR) o Kamara.
Posible umanong maharap sa mga sanction o kaparusahan ang ating bansa mula sa international community kapag itinuloy ng gobyernong Duterte ang pagsusulong sa restorasyon ng parusang kamatayan. Sinabi ni Commission on Human Righst (CHR) commissioner Karen Gomez-Dumpit na ang Pilipinas ay signatory o lumagda sa pambansang tratado na nag-aabolish sa death penalty.
Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sa mga pagsalakay laban sa illegal drugs nakadakip sila ng mga Chinese traffickers. Tinatanong nila ang mga Tsino na sangkot sa iligal na droga kung bakit pinipili nilang sa ‘Pinas mag-operate.
Ayon sa PDEA, lagi nang dalawang kasagutan ang nakukuha sa Chinese traffickers: Una, dahil sa laganap na kurapsiyon sa ‘Pinas na nagbibigay-luwag sa mga iligal na gawain; pangalawa, dahil sa kawalan ng parusang kamatayan (death penalty).
Aminado ang mga opisyal ng gobyerno, laluna ang nangunguna sa paglaban sa COVID-19, na ang pandemic action plan ng pamahalaan ay nasa kritikal na yugto. Nangangailangan ito ng agresibong testing at isolation para sa mga nagpositibo sa sakit. Kailangan din ang aktibong partisipasyon ng mga lokal na opisyal sa pagpapatupad ng localized lockdowns.
Binigyang-diin ni Carlito Galvez Jr., chief implementer ng COVID-19 policy, na dapat ang mabilis na pagkilos ng gobyerno tungo sa balanseng pagtugon sa kalusugan ng mga mamamayan at sa muling pagbubukas ng ekonomiya. Marami ang naniniwala na dahil sa reopening ng economy, biglang dumami ang bilang ng infected persons dahil sa pagkakahawa.
Ipinatawag ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang Malaysian ambassador sa PH matapos ipatawag ni Malaysian Foreign Minister Hishammuddin Hussein ang PH ambassador tungkol sa isyu ng Sabah. Tinawag ni Hussein ang sinulat ni Locsin sa kanyang tweet bilang “irresponsible statement that affects bilateral ties.”
Sa tweet ni Locsin noong nakaraang Lunes, binatikos niya ang US Embassy sa Maynila dahil sa isang Twitter post ukol sa donasyon ng USAID na hygience kits sa Filipino repatriates na galing sa Sabah, Malaysia. Sabi ni Locsin, dapat i-edit ng US ang pahayag nito dahil ang Sabah ay hindi parte ng Malaysia kundi pag-aari ng Pilipinas.
May bago na ngayong AFP chief of Staff. Siya ay si outgoing Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay. Pinalitan niya si AFP chief of staff Gen. Felimon Santos. Samantala, hinirang ni PRRD si AFP Western Command (Wescom) chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, bilang bagong Army chief kapalit ni Gapay.
Umaasa ang mga Pinoy na bubuti ang kalagayan na peace and order sa ating bansa sa pagkakaroon ng bagong Hepe ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (SLP). Umaasa ang sambayanang Pilipino na ang AFP o military ay magiging tunay na protector o tagapangalaga ng Estado (protector of the State) gaya ng itinatakda sa Constitution, laban sa mananakop, terorismo at hindi sa kaninuman.
-Bert de Guzman