SA pagsisikap ng pamahalaan na masolusyunan ang mga problemang dala ng COVID-19, humakbang na ang Kongreso upang ipagtibay ang mga batas na tutulong suportahan ag ekonomiya na matinding nasalanta ng pandemya.
Ilang panukalang batas hinggil sa ekonomiya ang nakahain ngayon sa Kongreso, na ang ilan ay mula sa administrasyon. Ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) ang pangalang ipinalit sa panukalang Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (TRABAHO). Ang bill na ito ay ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN) na naisabatas noong Enero 2018.
May mga bagong panukalang batas din na may katulad na ‘attractive acronyms’—ang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) at ang COVID-19 Unemployment Reduction and Education Stimulus (CURES).
Tumindig si Buhay party-list Rep. Lito Atienza at ilan pang kongresista sa Kongreso upang kuwestiyunin ang mga naturang bill, na anila’y wala namang tiyak na listahan ng proyekto at pagkukunan ng pondo. Bakit tayo maglalaan ng trilyong pisong pondo para sa mga walang katiyakang proyekto? tanong ng mambabatas. Malala pa rito, dagdag pa niya, kailangang utangin ang trilyong piso.
Nagbibigay ang mga panukalang ito sa kongreso ng labis na kalayaan sa pagsasama ng mga proyektong nais ng mga kongresista—sa makatuwid, ani Atienza, isa itong pork barrel. Binigyang-diin niya ang listahan ng mga sponsor sa panukalang ARISE at CURES na umaabot umano ng tatlong pahina, kaya malamang na maaprubahan ito.
May tiyansa, aniya, na ang ibang mga salik “will serve to rein in what may be an attempt to use adversity to generate political largesse.” Nabanggit niya ang naging komento ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa second Bayanihan bill sa paglalaan ng Kongreso ng P140 bilyon, na ito ay unfundable at posibleng unconstitutional.
Sa isang virtual press briefing nitong Hulyo 8, itinakwil ni Secretary Dominguez ang ilang probisyon sa economic bills sa Kongreso. “These items definitely were inserted and did not emanate from the administration’s proposals,” aniya.
Nagpahayag din ng pangamba ang Philippine Competition Commission sa mga probisyong nakapaloob sa apat na panukalang batas na lumalayo umano sa kompetisyon at procurement ng batas. Bagamat kinilala nila ang hangarin ng bill na mapabilis ang proseso, kailangan anilang busisiin ang mga kasunduan, upang hindi abusuhin ng ilang pinaburang kumpanya ang kapangyarihan nilang nakuha dahil sa pandemya at samantalahin ang mga konsumer.
Nagpahayag ng pangamba si Congressman Atienza sa panukang-batas na nakahain ngayon sa Kongreso na naglalaman ng mahabang listahan ng mga prayoridad na proyekto na walang tiyak na listahan ng pagkukunan ng pondo. Nanawagan siya sa kanyang mga kasamahan gayundin sa publiko na mas maging mapagmatyag, upang hindi samantalahin ng ilang tao ang pandemya at itakbo ang pera ng mga mamamayan.