UMABOT na pala sa mahigit na P3 trilyon ang utang ng Pilipinas hanggang nitong Hunyo habang ang gobyerno ay patuloy sa pag-utang sa domestic at foreign lenders upang pondohan ang mga programa laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa ulat ng Bureau of Treasury (BTr), ang kasalukuyang utang ng pambansang gobyerno sa pagtatapos ng Hunyo ay may “record high” na P9.054 trilyon, 1.8 pagtaas mula sa P8.89 trilyon na nairekord sa nakaraang buwan.
Itinaas o lumaki ang pangungutang ng Pilipinas mula sa domestic at foreign lenders para pagtakpan ang budget deficit, na inaasahang lalo pang lalawak sa P1.613 trilyon o 8.4 porsiyento ng gross domestic product (GDP) sa taong ito sanhi ng COVID-19.
Batay sa datos ng BTr, ang bulto o 68 porsiyento ng kabuuang utang o total debt stock ng pambansang gobyerno ay mula sa domestic lenders samantalang ang nalalabing 32 porsiyento ay mula sa dayuhang lenders.
oOo
Sina Solicitor General Jose Calida at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay kabilang sa mga opisyal ng pamahalaan na pinakamalaki ang suweldo nitong 2019. Sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit (COA) (“2019 Report on Salaries and Allowances”” o ROSA, si Calida umano ay tumanggap ng P16.952 milyon noong nakaraang taon mula sa P12.469 noong 2018. Pangalawa siya sa mataas.
Si Diokno naman, ayon sa COA report ay may total pay na P15.45 milyon mula sa P3.44 milyon nang siya ang Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM). Siya ang pangatlo samantalang ang nangunguna sa laki ng suweldo ay si UCPB president at chief executive officer Higinio Macadaeg Jr. na may total pay na P20.475 milyon. Siya ay nag-resign sa UPCB noong nakaraang Hulyo 2019 sanhi ng personal na kadahilanan.
oOo
Noong Miyerkules, naghain si Vice Pres. Leni Robredo ng sariling roadmap o plano para tugunan ang pamiminsala ng COVID-19. Naniniwala si beautiful VP Leni sa kakayahan ng mga Pilipino na maaalpasan ang krisis na kinakaharap ng bansa.
Sa isang news story noong Miyerkules, “VP’s roadmap: Pinoys not inutil, pasaway”, tahasang sinabi ni Robredo na hindi stubborn o pasaway ang mga mamamayan kundi handang tumulong sa kapwa. “Ang mga Pilipino ay hindi inutil, kundi may tapang at talino na harapin ang ano mang pagsubok. Ang mga Pilipino ay hindi talunan (losers). Nakatitiyak akong magwawagi tayo laban sa pandemic.”
Pinuna ng mga Pinoy at kritiko ang Duterte administration sa paninisi sa mga pasaway kung kaya raw bumilis ang paglaganap ng COVID-19. Ayon sa kanila, idinahilan ito upang pagtakpan ang lapses o pagkukulang ng administrasyon at ang pagtatalaga ng mga sundalo at pulis sa pagpapairal ng quarantine protocols.
Binigyang-diin ni Robredo na hindi malulunasan ang pagdurusa ng mga mamamayan sa paghihintay lang ng bakuna laban sa COVID-19. “The pandemic would not end by simply waiting for a vaccine. Kailangang masawata natin ang pagkalat ng virus hanggang maaga,” saad ni VP Leni sa kanyang Facebook page. Veeruz ba o virus?
Dapat aniyang simulan ang paglaban sa pandemya sa pagbibigay ng correct data, na magiging basehan ng gobyerno para sa tamang desisyon. Mula rito, malalaman daw ang mga lugar na dapat bigyang-prayoridad sa mass testing, contact tracing at suporta sa community hospitals.
Suportado niya ang pooled testing sa COVID-19 kasabay ang apela sa mga unibersidad at acadmeic institutions na lumahok sa validation process ng DoH.
Kung gayon kilos tayong lahat, kilos, kilos at labanan at pandemya na ayon sa ilang sarkastiko ay maituturing na “pandemonyo”.
-Bert de Guzman