KAPANALIG, isa sa mga silver lining ng krisis na ating dinaranas ngayon ay ang paghihilom ng kalikasan.
Dahil halos dalawang bilyong katao sa buong mundo ang naka-quarantine ngayon, tila nakahinga ang ating daigdig. Isang patunay ay ang mabilis na paglinaw at paglinis ng hangin sa maraming siyudad sa buong mundo.
Kapansin-pansin ito sa Metro Manila kung saan bumaba ng 180% ang PM2.5 sa ating hangin simula noong i-lockdown ang National Capital Region o NCR.
Ang PM2.5 ay mga maliit na particulate matter na delikado para sa ating kalusugan. Bago pa ang quarantine hindi lamang nila sinisira ang kalikasan, nalalanghap din natin ito at pinag-babantaan ang ating kalusugan. Ang duming ito ay nagdudulot ng premature deaths, na tinatantiya ng World Health Organization na umaabot sa pitong milyon kada taon.
Napahinga rin ang mga katubigan. Bawas ang mga basurang lumulutang sa mga karagatan, na nananahimik ngayon sa maraming lugar sa mundo dahil halos walang tao. Nabawasan ang paglalayag ng mga cruise ships. Nabawasan ang mga taong nagpapahinga sa mga beaches o tabing-dagat.
Naghihilom ang kalikasan. Ito ay matagal nang panawagan ng ating Simbahan, at ng marami pang mga kaagapay nito sa pagkalinga sa mundo. Ang tahimik na panahon na ito ay nagbibigay pagkakataon sa iba pang nilikha ng Panginoon na makinabang sa ganda at biyaya ng kalikasan. Mas malakas ang himig ng mga ibon. Mas maraming mga hayop ang malayang nakakalipana sa kanilang mga natural na tirahan. Tayo rin ay nagkakaroon ng mas malalim na kaugnayan sa ating kapaligiran.
Malungkot, nakakatakot, at mahaba man ang laban natin sa COVID-19, mainam na maalala rin natin na habang pinaglalaban natin ang kaligtasan ng ating buhay, napapaglaban din natin ang kaligtasan ng ating kapaligiran. At kung hindi natin malilimutan ang leksyon ng krisis na ito, malalampasan natin ang pandemiyang may lubos ng pagmamahal hindi lamang sa ating sariling buhay, kundi sa ating kalikasan.
Kapanalig, ang lakbayin nating ito ay paghihilom ng sangkatauhan at ng likas na yaman. At habang tinatahak natin ang daan tungo sa tunay na kalayaan mula sa pandemya, marapat na ating maalala ang pahayag mula sa Caritas in Veritate: Ang pakikitungo natin sa kalikasan ay repleksyon ng ating pakikitungo sa ating sarili.
-Fr. Anton Pascual