Hindi tatama sa kalupaan ang bagyong Dindo ngunit magpapaulan pa rin ito sa malaking bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras.
Ito ang pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at sinabing huling namataan ang bagyo sa tinatayang layong 805 kilometro Silangan ng Tuguegarao City sa Cagayan.
Taglay nito ang hanging 45 kilometro kada oras at bugsong hanggang 55 kilometro bawat oras.
Ipinaliwanag naman ni weather specialist Samuel Duran ng PAGASA, posibleng nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo sa pagitan ng Lunes at Martes.
Paiigtingin aniya ng bagyo ang habagat na magdadala ng mahina at katamtamang pag-ulan sa Luzon, Visayas, at Zamboanga Peninsula sa loob ng 24 oras.
“Floods and rain-induced landslides may occur during heavy or prolonged rainfall, especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazards,” dagdag pa ni Duran.
-Ellalyn De Vera-Ruiz