ANG pagsunod nang maayos sa anumang alituntunin na ipapatupad ng pamahalaan para sa kaligtasan ang handang sundin ng mga World Champion boxers na sina Nesthy Petecio at Irish Magno, ngayong pinayagan na upang magsimula ng training ang boxing, sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa dulot ng COVID-19.

Kamakailan ay binigyan na ng pahintulot ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ilang mga sports, amateur man o professional na magsimula nang mag training, kung saan kasama ang boxing.

Sa kabila ng pagpayag, kakailanganin ng mga atleta na sumunod sa isinumiteng guidelines ng pinagsamib na puwersa ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement (Gab) at ng Department of Health (DOH) sa IATF.

Gayunman, inamin ni Magno na hindi magiging madali para sa mga boxers na kagaya niya ang bagong patakaran sa training.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“Sa ngayun po talaga ma’am sobrang hirap po lalo na’t lahat talaga kaming boxers is umuwi sa kanya kanyang probinsya.nagte-training nga po kami pero via zoom at with social distancing pa rin po talaga..so ang hirap po,” pahayag ni Magno.

“Pero, handan po akong sumunod sa protocls po, lalo na po at para naman sa kapakanan nating lahat ito,” ayon sa ikaapat na atletang Pinoy na pumasok sa 2020 Tokyo Olympics, bago pa naganap ang pandemya.

Sa panig naman ni Petecio, naging masaya siya sa pagpayag ng IATF na makapagsimula na sila ng ensayo, sa kabila ng maraming pagbabago lalo na sa boxing.

“Masaya po ako dahil kahit papaano pinabalik na nila kami mag training. Pero alam kung madaming adjustments pa din po talaga lalo na’t ‘yung sports namin may contact talaga. Kaya kahit nakakabalik training na kami may kulang pa din po lalo na ang pinaka importante sa training namin yung sparring,” kuwento naman ni Petecio.

Kasalukuyang nasa Davao ngayon si Petecio kasama ang kanyang pamilya, matapos ang mahabang panahon ng pagkakawalay sa kanila sanhi ng pandemya.

Samantala, naghihintay pa rinsi Magno na makumpirma ang kanyang biyahe, na dalawang ulit na nakakansela, sanhi pa rin ng mga protocols at guidelines na ipinapatupad lalo na sa paliaparan ng bansa dulot ng COVID-19.

-Annie Abad