SA panahon ngayon ng kawalan-katiyakan, isa sa pinakamalaking katanungan ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa nakatakdang pagbubukas ng mga paaralan ngayong huling bahagi ng buwan para sa school year 2020-21.
Hanggang nitong nakaraang Miyerkules, ibinahagi ng Department of Education na nasa 22,223,806 mag-aaral na ang nagpalista upang iparating ang kanilang kagustuhan na magkapag-enroll ngayong darating na pasukan – 20.8 milyon sa mga pampublikong paaralan mula kindergarten hanggang high school at 1.35 milyon para sa mga pribadong paaralan.
Ngunit ang bilang na 22,223,806 na mag-aaral para ngayong taon ay 80 porsiyento lamang ng kabuuang 27.7 milyon na kabuuang bilang noong nakaraang taon. Nangangahulugan ito na 5.5 milyong estudyante ang hindi mag-e-enroll ngayong taon. Ang mga mag-aaral na ito ay maaaring kabilang sa mga pamilya na matinding tinamaan ng epekto ng pandemya, karamihan ay pagkawala ng kabuhayan. May ilan ding hindi nag-enroll sa takot na mahawaan ng coronavirus.
Tunay namang malaki pa rin ang kawalan ng katiyakan hinggil sa kaligtasan sa mga bata sa loob ng silid-aralan, lalo na kung ikokonsidera na ang virus ay may kakayahang maglakbay lima hanggang 12 talampakan sa hangin sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing, o simpleng paghinga ng apektadong tao. Kaya naman plano na lagyan ng malalaking espasyo sa pagitan ng mga upuan, ipatupad ang pagsusuot ng face masks, at ipag-utos sa lahat ang palagiang paghuhugas ng kamay.
Gayunman, sa labas ng silid-aralan – sa hallway at palaruan, sa mga bus, jeepney, tren, at iba pang uri ng transportasyon, wala nang kontrol ang mga paaralan.
Ilang paaralan ang planong magsagawa ng klase sa online, ngunit maraming pamilya sa bansa ang walang kakayahan na sumabay sa ganitong paraan. Wala silang sapat na kagamitan o wala sa pamilya ang may kakayahang patnubayan ang pag-aaral ng mga bata sa bahay.
Sa unang bahagi ng pandemya, idineklara ni Pangulong Duterte na hindi niya hahayaan ang face-to-face classes sa bansa hangga’t wala pang bakuna. May ilang posibleng bakuna na sinasabing nasa huling yugto na ng pagsusuri, ngunit ang pinakamaagang pag-apruba rito ay inaasahang sa Disyembre pa.
Ano ngayon ang mangyayari sa planong pagbubukas ng klase sa Agosto 24? Muli bang igigiit ng Pangulo ang kanyang naunang deklarasyon na hindi niya hahayaan ang harapang klase hangga’t wala pang bakuna?
Pinagtibay kamakailan ng Kongreso ang RA 11480 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na ilipat ang petsa ng pagbubukas ng school year sa panahon ng state of emergency o kalamidad. Bago ito, itinatakda ng RA 7977 na ang pagbubukas ng school year ay dapat na magsimula “no later than the last day of August.”
Sa bagong batas, kasama ang pangamba ni Pangulong Duterte hinggil sa nagpapatuloy na pandemya na nagdudulot ng pagkawala ng buhay ng marami sa bansa kabilang ang mga bata, baka hindi natin masilayan ang pagbubukas ng klase ngayong Agosto 24. Maaaring mausad —at nakadepende ang lahat ng ito kung paano natin matutugunan –ng mundo—ang nagpapatuloy na kalamidad ng COVID-19.