Bagamat hindi pa sinisimulan ang pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA), natitiyak ko na ang iba’t ibang sektor ng komunidad ay naniniwala na ito ay naghahatid ng ‘chilling effect’ o nakakikilabot na hudyat sa mga mamamayan. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang naturang batas ay umani ng katakut-takot na protesta na idinulog sa Korte Suprema.
Hindi ko tatangkaing salangin ang mga detalye ng naturang isyu na maaring tinitimbang na ng ating mga Mahistrado. Sapat nang mahiwatigan natin na ang mga pagtutol sa ATAay nakaangkla sa paniwala na ito ay kahawig ng mga panggigipit na umiiral noong panahon ng kagipitan; nang masaksihan natin ang kaliwa’t kanang pagdakip ng mga pinagbibintangang mga terorista at mga kaaway ng nasabing rehimen. Dahilan ito marahil ng kahilingan ng mga nagprotesta upang ipagpaliban ang pagpapairal ng nasabing batas sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order ( TRO).
Totoo na ako ay sinasagilahan din ng pangamba kaugnay ng pagpapairal ng nabanggit na batas bagama’t hindi pa yata binabalangkas ang Implementing Rules and Regulation (IRRI) nito, nais kong itanong sa sarili: Ano ang ikatatakot ko kung hindi naman ako isang terorista? Kung ako ay isang tahimik na mamamayan na hindi kaanib ng mga terrorist group na walang inaatupag kundi maghasik ng sindak at karahasan sa tahimik na mga komunidad?
Magugunita na ganito rin ang paninindigan ng mga mambabatas na nagsulong ng ATA. Hindi ito tinampukan ng matinding balitaktakan sa plenaryo dahil marahil sa ito ay isang administration measure na sinertipikihang ‘urgent’ ng Pangulo.
Siyempre, laging binibigyang-diin ng Malacañang na walang dapat ikatakot ang taumbayan sa implementasyon ng naturang batas sapagkat sapat ang mga safeguards nito upang maiwasan ang mga panggigipit at pagsasamantala na masyado namang pinangangambahan ng mga kritiko ng administrasyon. Isipin na lamang na maging ang Commission on Human Rights (CHR) ay mahalagang bahagi ng pagpapatupad ng ATA, bukod pa sa ating mga hukuman at iba pang tagapagpatupad ng mga batas.
Ngayong ito -- ang ATA-- ay naidulog na sa ating Korte Suprema, wala tayong magagawa kundi hintayin ang desisyon ng ating Kagalang-galang na mga Mahistrado. Sila lamang, tulad ng batid nating lahat, ang makapagpapasiya kung ang nasabing batas ay hindi lumilihis sa Konstitusyon. Saka pa lang natin mawiwika na iyon ay hindi naghahatid ng nakakikilabot na hudyat sa sambayanan.
-Celo Lagmay