Umabot na sa mahigit na 9 na trilyong piso ang inutang ng administrasyong Duterte para gamitin sa paglunas ng mga problemang pang-ekonomiya at pagkalusugan dulot ng COVID-19.

Tinataya na sa 108.7 milyong Pilipino, bawat isa ay may utang nang P83,239. Kaya, nararapat lamang na ipaalam sa taumbayan kung paano at magkano na ang ginastos na ng gobyerno sa paglaban sa pandemiya.

Tamang hakbang iyong nais nina Sen. Risa Hontiveros, Franklin Drilon, Leila de Lima, Ralph Recto, Panfilo Lacson, at Sonny Angara na busisiin ng Commission on Audit (COA) ang ginawang paggastos ng administrasyon para sa layuning ito.

Naghain ang mga nasabinng Senador ng Senate Resolution No. 479 na hinihiling sa COAna magsagawa ng special audit ng mga nagastos ng gobyerno, ang inutang nito at mga natanggap na donasyon sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal As One Act. Ang batas na ito kasi ay nagbibigay ng komprehensibong kapangyarihan sa mga opisyal ng gobyerno na irealign at iallocate ang bilyong salapi ng bayan para sa pagresponde sa pandemya.

“Ang COVID-19 krisis ay hindi dapat gamitin o magamit para maibulsa ang pera ng mamamayan,” wika ni Sen. Hontiveros. Paano kasi sa pananalasa ng COVID-19, kailangan bilisan ng gobyerno ang pagbili ng personal protective equipment (PPE), laboratory equipment, medical supplies kabilang na ang mga kalakal at pasilidad nang walang public bidding.

Eh, ayon sa mga senador, may mga kwestionableng transaksyon na overprice ang mga biniling kagamitan at pangangailangan. Halimbawa, binili ang nucleic acid extractors ng P4 milllion, pero P1.75 million lang sa pribadong sektor, ang presyo ng PPE ay P1,800 samantalang ang market price ay P400-P1,000 at ang importasyon ng mamahaling RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test kits sa China at Korea, samantalang ang murang test kits na gawa sa Pilipinas ay hindi ginagamit at binabalewala sa mga laboratoryo.

Ayon din sa mga senador, ang pagbili ng overprice na PPE ng Procurement Service of the Department of Budget and Management at Philippine International Trading Corporation ay garapalan gayong ang mga health workers ay nagkakasakit at nangangamatay sa kakulangan ng magagamit na proteksyon.

Bukod sa inutang ng gobyerno at tulong na natanggap nito, nagbigay pa ang World Health Organization ng P6.5 billion bilang donasyon para mapagaan ang epekto ng health crisis sa ekonomiya at pampublikong kalusugan.

Dapat malaman ng taumbayan kung ang napakalaking salaping napasakamay ng gobyerno ay nagastos na at kung nagastos ay sa kanila bang kapakinabangan? Baka naman iniipit na para magamit sa ibang proyekto. May charter change na namumuo na. May halalan pang darating. Baka sa mga ito, magamit ang napakalaking pondo sa halip na maigupo ang pandemya?

Binibigyan na ng kaluwagan ang taumbayan para kumita at mabuhay upang sa ganitong paraan ay huwag na silang umasa sa gobyerno para magamit sa kapakanan ng iilan ang gagastusin ay dapat para sa kanila.

-Ric Valmonte