USAPIN man ng ginhawa o pangangailangan, kung matuloy man tulad ng plano ang mga mungkahi ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, dapat itong magdagdag ng apat pang ahensiya sa sangay Ehekutibo sa panahong matapos na ang termino ng pangulo.
Naipasa na ng Kongreso ang panukala para sa pagbuo ng Department of Information and Communication Technology (DICT) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Pinagtibay ang DICT noong Hunyo 9, 2016 habang ang DHSUD law ay naipasa noong Pebrero 14, 2017.
Tulad ng plano, nais ng pangulo na maitatag ang dalawa pang ahensiya, ang Department of Overseas Filipinos (DOF) at Department of Disaster Resilience (DDR). At kung tama ang mga haka-haka, pabor ang magkabilang kapulungan ng Kongreso sa paglikha ng Department of Water, Department of Fishery, at Department of Mines.
Dapat na maging isang positibong hakbang ang paglikha ng dagdag na departamento upang matugunan ang mga tiyak na reporma sa pamahalaan. Ang tanging problema lamang dito, ay ang pinansiyal na dalahing kailangan harapin sa puntong itatag na ang mga ahensiya. Sa simpleng termino, ang operasyon ng apat na bagong departamento ay katumbas din ng paglikha ng 72 opisina sa mga rehiyon.
Higit sa paglawak ng burukrasiya na dala ng ekspansyon, ang pagkakaroon ng maraming ahensiya ay maaaring magresulta sa magulo at kung minsan ay nagkakatalong tungkulin na lumilikha ng higit na komplikasyon sa proseso ng transaksiyon sa pamahalaan. Sa halip na mabawasan ang red tape, ang mga patagong gawain ng mga tiwaling indibiduwal na nasa serbisyo ay kalimitang tumutumbas sa mas malalang kurapsyon.
Ang estratehiya ni Pangulong Duterte upang uriin ang burukrasiya na sisiguro sa kabisaan at kagalingan ay may magandang dulot din. Gayunman, ang ideya ng pagbibigay ng utos sa mga departamento nang walang paghihimay sa tungkulin ng iba pang ahensiya ay magulo at matrabaho. Upang masiguro ang maayos na daloy ng buong pamahalaan, dapat na batid ng pinuno kung nasaan ang direksyon ng estado.
Batid naman natin na sa anumang liderato, gaano man ka linis ang intensiyon, ay hindi magagarantiya ang perpektong makinarya. Hindi lamang inihayag ng pangulo kung ano ang isinisigaw ng mga tao; pinapasok din niya ang magulong sistema ng burukrasiya gamit ang mga resources, kabilang ang manpower at mga impormasyon hindi batid ng mga ordinaryong mamamayan.
Bukod sa paglikha ng departamento, inisa-isa rin ni Duterte sa kanyang SONA ang mga malalaking hakbang na may kinalaman sa ekonomiya. Kabilang dito ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act; Financial Institutions Strategic Transfer Act; Rural, Agricultural, and Fisheries Development Financing System Act; ang matagal nang naantalang Modernization Act of the Bureau of Immigration; ang pagmomodernisa ng Bureau of Fire Protection; at ang paglikha ng National Disease Prevention and Management Authority.
Muli, upang maisakatuparan ang mga nabanggit na ideya tungo sa isang kapaki-pakinabang na bagay, kailangang ng Estado ang matayog na pananaw kung paano popondohan ang mga ahensiyang ito. Sa gitna ng pandemya, ang pag-utang ay panandalian lamang na remedyo.
-Johnny Dayang