Sakabila ng pangangalandakan ng administrasyon na nailatag nito ang mga programang nagawa at gagawin pa -- tulad ng binigyang-diin sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte -- lalong nalantad ang kawalan ng kasiyahan ng may kaakibat na panggagalaiti ng ilang sektor ng sambayanan, kapani-paniwala naman na ang mensahe ng Pangulo ay tumalab, wika nga, sa higit na nakararaming mamamayan.
Ang pagtuligsa ng naturang sektor ng taumbayan ay sinasabing nakalundo sa kakulangan ng makabuluhang mga estratehiya sa pagpapahupa ng matinding banta ng nakamamatay na COVID-19; salat umano sa mga paraan kung paanong mababawasan kundi man ganap na masugpo ang paglaganap ng naturang coronavirus. Kabilang dito ang kapos na mga protective personal equipment (PPE) na sinasabing hindi naipamamahagi sa mga health care workers.
Makatuturan din, kung sabagay, ang kanilang mga kahilingan hinggil sa libreng COVID-19 test sa sambayanan, lalo na sa mga maralita. Kabilang na rito ang libu-libong locally stranded individual (LSI) na halos magsiksikan sa mga temporary shelters habang naghihintay na maiuwi sa kani-kanilang mga lalawigan.
Makatuwiran ang kanilang pagtatanong na may himig pagmamakaawa: Kung ang itinuturing nga namang mga VIP (Very Important Persons), tulad ng ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno ay pinagkakalooban ng free COVID test, hindi ba kami ang lalong dapat palasapin ng gayong benepisyo?
Kung ang gayong mga kaluwagan ay hindi na matatamasa ng ating mga kababayan, lalo na ng tinatawag na mga nasa laylayan ng lipunan, makabubuti na lamang na isadiwa at pangatawanan ang laging isinisigaw ng isang kapatid sa pamamahayag: Ibayong pag-iingat at taimtim na panalangin. Naniniwala ako na ito ang pinakamatibay at pinakamakapangyarihang panlaban sa nakakikilabot na COVID-19.
Maaaring nakakukulili na, wika nga, sa pandinig, subalit hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang tinatawag na basic health protocol: pagsusuot ng face mask, physical distancing o paglalayo-layo, at madalas na paghuhugas ng mga kamay.
Higit ding makapangyarihan ang panalangin hindi lamang sa ating pakikidigma sa coronavirus kundi sa lahat ng panahon ng ating pakikipagsapalaran sa buhay. Marapat lamang na laging taimtim ang ating mga pagdarasal -- kahit na ano ang kinaaaniban nating sekta ng pananampalataya; hindi ito dapat mabahiran ng pagkukunwari sa pagdulog sa Dakilang Manlilikha.
Higit sa lahat, lagi rin nating isaisip ang iba pang tagubilin at quarantine protocol tungo sa ibayong pangangalaga sa ating kalusugan.
-Celo Lagmay