Sa debateng naganap noong nakaraang presidential elections, matapang na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasakay siya sa jetski at mag-isa niyang itatanim sa Spratly ang bandila ng Pilipino. May kaugnayan ito sa katanungang ipinasagot sa lahat ng mga kandidato sa panguluhan hinggil sa kanilang magiging polisiya sa teritoryong inaangkin ng China sa atin. Nang magwagi siya at hindi pa pormal na nanunungkulan, sunod-sunod na ang patayan at ang mga biktima ay mga umano sangkot sa droga. Dumagsa at dumalas ang patayan nang siya ay nakauupo na. Publiko niyang inihayag na sagot niya ang anong mga pagpatay na ginagawa noon ng mga pulis sa pagpapairal niya ng war on drugs. Nagawang matakot ng Pangulo ang mamamayan lalo na nang pati ang nasa loob ng piitan na alkalde ng Leyte ay pinatay sa loob ng pinagpipiitan sa kanya. Lumasap ng kanyang kalupitan ang mga naglalakas ng loob na sumalungat sa kanya tulad ni dating Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno at Sen. Leila Delima na hanggang ngayon ay nakapiit pa dahil umano sangkot sa pagbebenta ng droga. Pinatalsik niya ang mga heneral ng pulis na nasa kanyang listahan ng mga nasa droga. Anupa’t katapangan ang ipinakita ng Pangulo na istilo ng kanyang pamamahala. Pati ang mga naninilbihan sa gobyerno na sangkot umano sa corruption ay kanyang tinanggal ng wala man lang pormalidad.
Ibang klaseng katapangan pala ang taglay ng Pangulo. Mayroon siyang pinipili kung kanino niya gagamitin ang katapangan. Matapang pala sa kanyang kapwa nating Pilipino na kalaban na niya kahit hindi pa siya Pangulo. Ang hindi pa maganda rito ay iyong katapangan niya nang inihayag sa mamamayang Pilipino na mag-isa niyang ipagtatanggol sila at ang kanilang bansa laban sa dayuhang nais sumakop ng ating teritoryo ay ampaw lamang pala. Kaya lamang, itong huli niya ipinaalam sa sambayanang Pilipino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakaraan lang. Inutil, aniya ako, hinggil dito. “Ang ugaling alipin at pagsuko sa China ay masama sa panlasa at hindi katanggap-tanggap. Hindi siya nagsasalita para sa akin at sa marami pang mga Pilipino na ang karuwagan ang nakikita sa ganitong taong madaling magpatalo,” wika ni Sen. Francis Pangilinan sa kanyang mensahe sa viber. Tama ang senador. Hindi ganito ang ating lahi. Bakit pa natin ipinagdiriwang taun-taon ang araw ng kapanganakan ng ating mga bayani at ang makulay na panahon ng kanilang buhay nang itaya nila ito para sa ating bayan laban sa mga banyagang mananakop? Ano pa ang kahalagahan ng “LUPANG HINIRANG” na inaawit natin saan man at anumang okasyon na sa hulihan ay sinasabi natin: “AMING LIGAYA NANG PAG MAY NANGAAPI, ANG MAMATAY NG DAHIL SA IYO”? Napakahalaga nito dahil ito ang ating lahi. Lumalaban at hindi sumusuko, kahit sino ang kalaban, buhay man ang ibuwis.
-Ric Valmonte