Matapos ang siyam na taong pagtatago, arestado na ng pulisya ang puganteng cult leader at dating Dinagat Island Rep. Ruber Ecleo, Jr., sa isang operasyon sa San Fernando City, Pampanga, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na natanggap ng Camp Crame, bukod kay Ecleo, dinakip din ng mga tauhan ng National Capital Regional Office (NCRPO)

ang tauhan nito na si Benjie Fernan na kakasuhan ng harboring a fugitive at obstruction of justice, matapos silang matiyempuhan malapit sa isang gold course sa nabanggit na lungsod, dakong 4:30 ng madaling araw.

Nagtago si Ecleo mula nang magpiyansa ito noong 2011 sa kasong parricide dahil sa pagpatay sa kanyang misis na si Alona sa kanilang bahay sa Cebu City noong 2002.

Probinsya

Simbahan sa Pampanga, humingi ng dispensa sa mga nasunugan ng balat noong Ash Wednesday

Noong Abril 2012, nahatulan ito ng habambuhay na pagkakabilanggo sa nasabing kaso at inatasan din siyang magbayad ng P25 milyong danyos.

Matapos hatulan ng korte, kaagad din itong tinanggal bilang miyembro ng Kongreso at dahil sa patuloy na pagtatago nito, nag-alok si dating Pangulong Aquino ng P2 milyong pabuya sa ikaaaresto nito.

Bago pa man ito mahatulan, hinatulan na rin ito ng hukuman na makulong ng 31 taon noong alkalde pa ito ng San Jose sa Surigao del Norte mula 1991 hanggang 1994 dahil sa kasong illegal disbursement funds kaugnay ng tatlong construction project nito.

Nakilala si Eclo dahil sa pagiging ‘supreme master ng Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA).

Dinala muna sina Ecleo at Fernan sa NCRPO headquarters sa Taguig City upang isailalim sa medical examination.

Aminado naman si Ecleo na matagal na sana siyang sumuko ngunit natakot ito dahil sa hirap ng kalagayan sa loob ng kulungan.

-AARON RECUENCO at BELLA GAMOTEA