Dapat makinig ang Department of Education (DepEd) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, gaya ng ipinahiwatig niya sa ika-5 State of Nation Address (SONA) noong Lunes.
Sinabi ni Ang Probinsiyano Party-list Rep. Ronnie Ong, dapat nakakuha ng cue o pahiwatig ang DepEd at ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Pangulo, nang ihayag niya na ang educational system ng bansa ay hindi pa handa sa pagbubukas ng klase dahil sa “inadequate and inefficient digital infrastructure that could support the so-called “blended learning” program.”
Sa kanyang SONA, binalaan ng Pangulo ang telecommunications industry ng bansa, tulad ng Globe at Smart, sa kanilang “poor signal and slow internet connection” dahil kailangan na kailangan ito sa klase kapag ipinaiiral na ang blended learning system.
Sinabi ni Ong, maliwanag na sinabi ni Duterte na ang hindi masyadong mahahalagang kurso ay maaari namang tulungan at palitan samantalang ang edukasyon na ipinagpaliban ay maaari namang ma-recover balang araw kapag wala na ang pandemya.
Para sa Pangulo aniya, hanggang wala pang bakunang natutuklasan sa Covid-19, makabubuting huwag munang buksan ang mga klase sa Agosto upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mag-aaral at hindi magkahawaaan.
-Bert de Guzman