NAGBABALA si Rep. Lito Atienza sa National Telecommunications Commission (NTC) na huwag bumigay sa pananakot ng ilang mambabatas sa House of Representatives na ipasara ang SKYcable dahil hindi kailangan ng cable TV companies ng prangkisa.

“Hindi dumadaan sa prangkisa yung cable at SKYcable, NTC yan. So I’m also warning NTC, huwag kayong padadala sa mga pananakot nitong ilang congressmen,” saad ni Atienza sa isang online public discussion tungkol sa ABS-CBN franchise.

Sinabi ito ni Atienza matapos ibunyag ni Rep. Rodante Marcoleta na dumulog si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba kay Solicitor General Jose Calida tungkol sa pagpapasara ng SKYcable.

Dati nang pinagbantaan ni Marcoleta si Cordoba na kakasuhan ito kung ipipilit niya ang Executive Order 205 ng dating pangulong Cory Aquino. Ayon sa nasabing order, permit at lisensya lamang mula sa NTC ang kailangan para mag-operate, hindi prangkisa.

Tsika at Intriga

Chloe, matapang na niresbakan nagsabing niretoke ilong niya

Maraming maapektuhan kung sakaling bumigay ang NTC. Hindi lang cable TV operators kundi mga artista, producer, at higit sa lahat, mga manonood.

Kapag ipasara ang lahat ng cable TV, mawawala rin ang mga channels tulad ng Pinoy Box Office, Cinema One, Myx, ang Tagalized Movie Channel, K Movies Pinoy, at Sari Sari.

Binatikos din ni Atienza ang mga mambabatas sa tawag nilang ipasara ang SKYcable, na hindi na sakop ng kanilang kapangyarihan.

“Ano na naman yan? You are going to use the power that you will perceive is yours. ‘Pag inalis pa ninyo ang SKYcable, eh baka hindi na maintindihan ng lahat ‘yan. Maniniwala na sila na wala nang pupuntahan ito,” dagdag niya.

Samantala, na-alarma naman ang isang nationwide group ng cable TV operators sa pagkuwestyon ng gobyerno sa EO 205.

“Pag may mangyari sa SKYcable malamang mangyayari na rin sa aming lahat,” sabi ng Philippine Cable Telecommunications Association (PCTA) president na si Joel Dabao sa isang TV interview.

Nagbabala si Dabao na makakasama ito sa publiko na umaasa sa cable TV para sa impormasyon, entertainment, at edukasyon.

“Yung kawawang subscriber namin na kinabitan namin ng internet na wala ng ibang choice kundi sa amin at kung walang mapapanood na channel kundi galing sa amin ay mawawalan ng balita at edukasyon sa panahon ngayon na napaka-kailangan po,” dagdag pa niya.

Ayon kay Dabao, mahigit sa 1,000 ang cable operators sa bansa, at 300 dito ay miyembro ng PCTA

-MERCY LEJARDE