Nais ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magkaroon ng public consultation hinggil sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling pagbuhay sa parusang kamatayan sa bansa.

Sinabi ni CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano na dati na nilang tinututulan ang death penalty at kahit kailan ay hindi mag-iiba ang pananaw ng simbahan hinggil dito.

Nanawagan rin siya sa Pangulo na pag-isipang mabuti at irekonsidera ang naturang isyu.

Iminungkahi pa ng pari ang pagsasagawa muna ng mga senador at mga mambabatas ng public consultation upang malaman ang palagay ng mga mamamayan hinggil dito.

Probinsya

Simbahan sa Pampanga, humingi ng dispensa sa mga nasunugan ng balat noong Ash Wednesday

“Tingnan din natin kung ano talaga ang gusto ng publiko kasi hindi tayo puwedeng magpadalos-dalos kung ito lang ang gusto ng Pangulo pero wala sa saloobin ng mga tao, ng publiko. Mas maganda na siguro na magkaroon tayo ng masusing konsultasyon dito sa mga mamamayan,” aniya.

Nanawagan rin si Secillano ng reporma sa sistema ng hudikatura sa bansa.

Aniya, dapat na usigin, makulong at huwag bigyang pabor ang mga kriminal upang tuluyang masugpo ang kriminalidad.

Samantala, sinabi ni Bishop Colin Bagaforo, National Director of NASSA/Caritas Philippines, na hindi sagot ang death penalty upang puksain ang masasamang gawain.

“We need leaders who respect human dignity and with political will to steer us in the right direction,” wika ni Bagaforo.

Dismayado rin siya dahil nawalan na aniya ng pagkakataon si Pangulong Duterte na mapag-isa ang bansa sa kanyang mga sinabi sa kanyang SONA.

Ani Bagaforo, ang ikalimang taon sa kapangyarihan ng Pangulo ay isa sanang magandang oportunidad para maipakita niya ang kanyang pagka-makabayan, liderato at compassion pero sa halip, pangungutya sa demokrasiya, hustisya, kalayaan at serbisyo publiko ang narinig sa kanya.

-Mary Ann Santiago