Ang dapat na pagbabalik-ensayo at workouts ng PBA players ay muli na namang maaantala ng mga dalawang linggo dahil kinakailangan pa nilang sumailalim at ng iba pang makakasama nila sa ensayo sa mandatory swab testing para sa COVID-19.
Sang-ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, sa Agosto 6 at 7 pa ang nakuha nilang schedule para sa testing sa Makati Medical Center.
Halos lahat ng mga testing centers at ospital ay puno ang schedule at tanging nakuha nilang available na slots ay sa unang linggo pa ng Agosto ayon kay Marcial.
Dahil dito, sa tantiya ng PBA chief , makakapag-umpisa sila ng ensayo sa Agosto 10 o kaya’y sa Agosto 11 na.
Dapat sana ay sasailalim lahat ng teams sa testing sa San Miguel Corp. testing facility sa Ortigas.
Ngunit matatagalan ang pagpapalabas ng test results kung sabay-sabay na magpapa-test lahat ng teams.
“Baka kasi matagalan ang resulta ng tests kapag lahat ng teams nagsabay-sabay,” ani Marcial.
Tanging ang tatlong koponan ng SMC na Barangay Ginebra, San Miguel at Magnolia sa kanilang testing facilities sasailalim sa COVID-19 testing.
Ang swab testing ay bahagi ng PBA health protocols na inaprubahan ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases).
Hindi papayagan ang sinumang player na makasali sa workouts kung di sila magpapa COVID-19 testing ayon kay Marcial.
Agad na isinaayos ang testing schedules matapos nilang matanggap ang Joint Administrative Order (JAO).
Sasailalim din sa COVID-19 tests ang mga PBA personnels na kasama sa grupong binuo ni PBA Deputy Commissioner Eric Castro na sorpresang lilibot at bibisita sa mga team training upang alamin kung sinusunod nila ang mga health protocols.
-Marivic Awitan