PABORITO ng matatanda namin noon, lalo na pag galit na galit sila sa mga taong mapagsamantala sa kapwa, ang mga katagang: “Buhay pa kayo ay sinusunog na ang kaluluwa ninyo sa impiyerno!”
Malamang kung buhay pa sana sina Impo sa panahong ito, siguradong paulit-ulit kong maririnig sa kanila ang pangungusap na ito, tuwing mapapanood sa TV at mababasa ang balita hinggil sa pangungurakot ng mga opisyal sa pamahalaan, na pinagkatiwalaang humawak sa bilyun-bilyong pantawid-gutom ng ating mga kababayan sa gitna nang pandemiyang COVID-19 sa buong mundo.
Kung sabagay, wala man sina Impo, katakut-takot na pagmumura naman ang naririnig ko mula sa mga ordinaryong mamamayan -- na ‘di magkandatuto kung paano pagkakasyahin ang kakarimpot na kita para sa pamilya -- na mahigit apat na buwan nang apektado sa pananalasa ng COVID-19.
Marahil kung nakamamatay lamang ang mga pagmumura – hindi na galing sa matatanda bagkus ay sa mga bata na ang outlet ng nagpupuyos nilang damdamin ay sa social media -- siguradong maraming titimbuwang na mga kurakot na opisyal ng gobiyerno sa loob mismo ng kanilang mga opisina.
Ang napansin kong biglang ikinasubo ng damdamin ng mga kababayan natin ay ang mga napabalitang anomalya sa pamamahagi ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Administration (DSWD), pababa hanggang sa mga barangay, na ipinagmamalaki ng pamahalaan na bilyun-bilyon na ang nailabas, gayung marami pa rin ang nakanganga sa paghihintay sa inaasahang grasya.
Ngunit ang talagang nakita kong ikinagalit at ipinagmura ng mga mamamayan ay ang napabalitang bilyones na anomalya sa Philhealth, na ibinulgar ng isang nag-resign na opisyal na ‘di masikmura ang korapsyon na nagaganap sa loob mismo ng kanilang opisina.
Sa halip na ang mga ordinaryong mamamayan ang makinabang sa bilyong pondo na inilaan para sa ahensiyang ito, aba’y ipinamimigay sa mga ospital -- yung iba pa nga umano ay “mga multong ospital” -- marahil ay dahil may katapat itong malaking komisyon para sa mga opisyal na magre-release ng pondo.
Kaya tuloy ang tinatanggap ng mga kaawa-awang miyembro ng Philhealth ay kapiranggot lamang, kumpara sa mga napupunta sa mga may-ari ng malalaking ospital sa buong bansa.
Ang problema kasi rito, ‘yung mga dating opisyal na nasangkot na sa mga naunang malalaking nakawan sa ahensiya ay sinibak nga, pero nananatili pa rin sa tanggapan dahil inilipat lang ng posisyon.
Wala pa ni isa man sa mga nasibak na opisyal – mga pinag-resign lamang ang mga ito -- ang nasampahan ng kaso at nakulong, para maging halimbawa sa iba pang empleyadong gobiyerno na may maitim na balak sa pagpasok sa serbisyo.
Isang halimbawa rito ang mga dating opisyal sa Philhealth na sinasabing responsable sa “proliferation of the ghost dialysis patients scam” ay nanatili pa rin sa mga importanteng posisyon.
Yung isang nalipat lang ng puwesto na mas mataas pa sa dati nitong posisyon, naging senior vice president for legal sector pa rin sa Philhealth.
May isa namang opisyal, pagkatapos na mag-resign dahil sa iskandalong ito, ay nakaupo pa ngayon bilang assistant health secretary sa DoH.
Oh ‘di ba? Iba talaga ‘pag may koneksyon sa itaas na nakikinabang din marahil sa nakukurakot nitong mga opisyal na nasa ibaba.
Heto naman ang dapat nating bantayan – may isang proyekto na nagkakahalaga ng P2.1-billion information technology (IT) project para sa Philhealth – at hindi sasala ang sandok sa palayok, siguradong gagawin lamang itong palabigasan ng mga opisyal na nagplano nito kapag nakalusot na naman.
“Harinawang magkita-kita kayong lahat sa impiyerno pagkatapos nitong pandemiya,” sabay-sabay na bulong naman naming mga mamamayang naagrabiyado.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.