KUNG si Vice President Leni Robredo ang paniniwalaan, may mga mali raw sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa COVID-19 pandemic ang Duterte administration. Sa ngayon, patuloy ang pagdami ng bilang ng nagpopositibo sa salot na ito na may 16 milyon na ang tinamaan sa buong mundo at halos kalahating milyon ang namamatay.
In fairness naman, sinisikap ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at ng Department of Health (DoH) na masawata ang pandemyang ito na hindi lang sa Pilipinas nananalasa kundi maging sa maraming bansa sa daigdig, kabilang ang mayayamang nasyon, tulad ng US, England, France.
Hanggang ngayon ay kataka-takang wala pang natutuklsang gamot o bakuna sa virus na ito. Marami na ang namatay, sumadsad ang mga ekonomiya ng mga bansa. Maraming negosyo ang nagsara at libu-libo o baka milyun-milyong ang nangawalan ng trabaho.
Sa Pilipinas, lampas na sa 80,000 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala ng DoH hanggang noong Linggo. Umabot na sa 80,448 ang mga nagpositibo at sa bilang na ito, 2,110 ang bagong mga kaso.
Sa bilang na ito, 1,345 ang mula sa Metro Manila bagamat 90 porsiyento ng tinamaan ay pawang mild o hindi naman grabe ang tama ng virus. Nakabibigla ang mabilis na pagdami ng tinatamaan ng COVID-19 sa iba’t ibang parte ng minamahal nating Pilipinas.
May pangamba pa ngang baka raw abutin ng 130,000 ang magiging kaso ng COVID-19 sa buwan ng Agosto. Ito ang projection ng mga eksperto mula sa UP at iba pang sektor. Nagdarasal ang mga Pinoy na sana naman ay hindi na dumami pa mga tatamaan ng sakit na ito.
Isipin ninyong katakut-takot na problema at hirap na ang dinaranas ngayon ng ating bansa. Marami ang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown na iniutos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Marami ang nagsara ng mga negosyo, sumadsad ang turismo, at ang mga kainan o restaurant ay nagsara rin.
Samantala, kasalukuyang niyayanig ang bayan ni Juan dela Cruz ng anomalya sa PhilHealth. Bilyun-bilyong piso raw ang sangkot sa kurapsiyon sa ahensiyang ito. Galit si PRRD sa katiwalian at tiyak na pagugulungin niya ang mga ulo ng mga pinuno na may kaugnayan sa anomalya.
Sa paglabas ng kolum na ito, naihayag na ng ating Pangulo ang kanyang ika-5 SONA. Kayo na mga kababayan ang bahalang mag-aral at sumuri sa kanyang mga sinabi sa SONA. Kayo na ang humusga kung kalugud-lugod ang paglalarawan niya sa tunay na kalagayan ng ating pinakaiirog na bansa na kung tagurian ay “Perlas ng Silangan”, “Bayan ng Magigiting na Lalaki” at “Magagandang Dilag”.
-Bert de Guzman