Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi naipatupad ng mga awtoridad ang mga panuntunang ipinaiiral ng pamahalaan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sa libu-libong locally stranded individuals (LSIs) na sumisilong ngayon sa Rizal Memorial Sports Complex habang naghihintay ng masasakyan pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.
May 6,000 LSIs ang napilitang magsiksikan sa loob ng naturang sports complex sa Maynila, kung saan sila pinapasok ng mga awtoridad upang sumilong nang bumuhos ang malakas na ulan.
Inilarawan ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang naturang sitwasyon bilang isang ‘mass gathering,’ na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng mga ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Gayunman, ginagawaan na aniya nila ito ng paraan sa kasalukuyan.
Kung makikita po natin diyan that is mass gathering, hindi ho masyado na-enforce yung ating standards for health para maiwasan ang impeksyon. Pero ginagawan naman ho ng paraan ngayon,” aniya.
Aminado rin siya na hindi ideyal ang naturang sitwasyon ng mga LSIs sa sports complex dahil sa ganitong pagkakataon aniya mas mabilis magkahawahan ng virus.
“Tama po dahil alam naman po natin na kailangan hindi magkaroon ng pakikipagsalamuha ang maramihang tao sa ngayon dahil ang impeksyon ay maaaring mag-transmit nang mabilis sa mga ganitong pagkakataon,” aniya pa.
Sa ngayon ay nasa 2,000 LSIs pa rin ang nananatiling stranded sa sports complex habang ang halos 5,000 sa kanila ay napauwi na sa lalawigan sa ilalim ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan.
Una na rin namang kinumpirma ni Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo nitong Lunes na nasa siyam na LSI ang nagpositibo sa virus sa isinagawang rapid test sa mga ito.
Ang mga naturang LSIs naman ay kaagad na ini-isolate at isinailalim sa confirmatory tests habang ang kanilang close contacts ay inirekord at ipinabatid na sa mga local government units na tatanggap sa mga ito.
-MARY ANN SANTIAGO