MAPALAD akong nabigyan ng oportunidad na makapagsilbi sa gobyerno at sa pribadong sektor. Matapos magsimula bilang isang entrepreneur, pinasok ko ang pulitika noong 1992. Itinayo at pinangunahan ko ang sarili kong negosyo mula sa umpisa. Nagawa ko ring makaganap ng tungkulin bilang lider sa lehislatura bilang Speaker of the House of Representative at bilang Pangulo ng Senado. Ang kakaibang karanasang ito sa pamumuno sa isang pribadong kompanya at isang sangay ng pamahalaan ay nagpalakas sa aking paniniwala sa isang mahalagang aral—ang mindset ng isang entrepreneur ay mahalaga upang magtagumpay sa dalawang larangan.

Nang lumaban ako sa pagka-pangulo noong 2010, tumakbo ako sa ilalim ng platapormang anti-poverty, base sa tinatawag kong isang “entrepreneurial revolution.” Nanindigan ako na kung nais natin ang tunay na pagbabago kailangan nating baguhin ang pag-iisip mula sa pagiging empleyado patungo sa isang entrepreneur. Sa isang rason, naging isang bansa tayo ng mga empleyado. Halos bawat Pilipino ay nais maging empleyado, at kung hindi sila makahanap dito ng trabaho, pupunta sila ng abroad. Ngunit alam kong hindi tayo makalilikha ng yaman sa ganitong paraan. Isinulong ko ang paglikha ng isang malakas na entrepreneurial class. Ito ay sa ganitong paniniwala – pag-iisip na tulad ng isang entrepreneur – na makatutulong sa atin upang manatiling malakas at umunlad sa gitna ng krisis ng COVID-19 na ating nararanasan.

Aling aspekto ng pag-iisip ng isang entrepreneur ang makatutulong sa atin na malampasan ang pandemya at ang nagbabadyang gulo sa ekonomiya na idudulot nito? Una, ang mga entrepreneur ay survivor. Kapag nagsisimula kang maging negosyante batid mo ang panganib na nakapaloob dito at pinagpaplanuhan mo ito. Krisis ang agahan ng isang negosyante. Sanay na tayong maharap sa sunod-sunod na pagsubok –mula sa red tape sa pagkuha ng permit hanggang sa pinansiyal na krisis na nagbabantang sumira sa lahat ng ating pinaghirapan. Mahalaga ito sa paglalayag sa kasalukuyang krisis. Kailangan natin ang matatag na kamay na gagabay sa atin sa tamang direksyon at ang kalmadong boses na magsasabi sa ating malalampasan din natin ang lahat ng ito.

Ikalawa, sanay ang mga entrepreneur sa adaptasyon. Isa itong bagay na alam ko na ngunit naging mas maliwanag nang pumasok ako sa politika. Ang pamahalaan, sa kabila ng magandang itensiyon nito, ay kalimitang mabagal sa pagtugon sa mabilis na pagbabago. Ang isang ‘bureaucratic mindset’ ay mahihirapang magbago sa pagbabago ng sitwasyon.

Pagmasdan kung paano tumutugon ang mga negosyo sa pandemya at sa lockdown. Marami ang lumipat sa online upang patuloy na makapaglingkod sa mga kostumer ng kanilang produkto at serbisyo. Nagawang i-transform ng mga entrepreneur ang kanilang negosyo upang makasabay sa pagbabago sa loob lamang ng ilang araw. Nasaksihan natin ang mga restawran na nag-aalok ng iba’t ibang uri ng food deliveries, nakita natin kung gaano kabilis nakapagtayo ang mga grocery ng e-commerce platform, saksi rin tayo kung paano sumabay sa agos ang mga home-based entrepreneur mula sa pagbebenta ng produkto tulad ng baked sushi sa anumang kasalukuyang uso sa social media, at lahat ng ito ay ginawa ng mga entrepreneur ng walang pamahalaan. Dagdag pa sa nakita nating pagkamalikhain ng mga entrepreneur ay ang pag-usbong ng mga ma-estilo at inobatibong face masks, face shield, at PPE suits.

Ikatlo, ang isang entrepreneurial mindset ay lilikha ng matatag na inisyatibo at hindi lamang “flash-in-the-pan” gimmick. Lumilikha ang mga matatagumpay na negosyante ng matatag na negosyo na kayang um-adapt, manatili at umunlad sa gitna ng krisis. Ang ganitong pag-iisip ang makatutulong sa atin upang higit na maging maayos sa pagbangon natin matapos ang pandemya. Kailangan nating maitayong muli ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng mas matatag na ekonomiya. Ito ang nangyari noong 1997 Asian Financial Crisis na halos bumura sa pinaghirapan ng maraming negosyo. Nagawa nating makabalik ng mas malakas mula sa mga aral na dala ng krisis na iyon. Ang mga aral na ito ang nagbukas sa mga reporma na naging lakas ng pambihirang paglago ng ekonomiya na nararanasan ng Asya bago pa lumaganap ang pandemya. At ang pag-iisip na ito rin ang makatutulong sa atin upang malampasan ito.

At sa huli, itinuon ng pandemyang ito ang ilaw para sa kabayanihan ng ating mga frontliners, lalo na ang ating mga health care professionals na nag-aalay ng kanilang buhay upang makapagsalba ng buhay. Nararapat ibigay sa kanila ang ating matinding pasasalamat at suporta. Sa pamamagitan ng adaptasyon at inobasyon sa gitna ng krisis, patuloy silang nagkapagbibigay ng esensiyal na serbisyo para sa mga tao at kasabay nito ay makatulong na mapanatili ang ekonomiya. Sa susunod kong kolum, iisa-isahin natin kung paano makatutulong ang entrepreneurial mindset upang makabawi matapos ang COVID-19.

-Manny Villar