SA muling pagpapahayag ni Pangulong Duterte ng kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) ngayong araw sa harap ng Kongreso sa isang joint session sa Batasang Pambansa sa Quezon City, marahil tatalakayin niya ang maraming isyu at insidente na nakaapekto kamakailan sa bansa.
Kaya naman inaasahan natin na mababanggit niya ang aksiyon ng Kongreso sa mga isyu tulad ng Anti-Terrorism Law at ABS-CBN franchise, ang kataka-takang insidente ng pagkamatay ng 29 na bilanggo sa National Penitentiary, kabilang ang anti-DeLima witness na si Jaybee Nino Sebastian, ang pamamaril sa apat na miyembro ng Army ng walong miyembro ng pulisya sa Sulu, at ang nagpapatuloy na sigalot sa pinag-aagawang mga isla sa South China Sea.
Ngunit tiyak na inaabangan ng bansa sa lahat ay kung ano ang babanggitin ng Pangulo hinggil sa COVID-19 pandemic na naglagay sa bansa – sa buong mundo, katunayan – sa isang tila suspended animation.
Apat na buwan nang naaantala ang mga aktibidad ng bansa –personal man, sosyal, politikal, ekonomikal, maging panrelihiyon – habang ang ating mga ospital ay patuloy na nagkukumahog na matulungan ang libu-libong apektado ng coronavirus.
Sa mga nakalipas na taon, nakatuon tayo sa mga isyu tulad ng komprontasyon sa South China Sea na iniangat ng naging hatol ng Arbitral Court noong 2016, ang digmaan sa Marawi City noong 2017, ang pagsirit ng inflation o presyo sa merkado noong 2018, ang matinding pinsala ng mga nagdaang bagyo at baha gayundin ang tagtuyot na halos taun-taong nararanasan. Ngunit ngayong taon, tila iisa ang pinag-uugatan ng problema at pangamba ng bansa – ang COVID-19 pandemic.
Kaya naman, inaasahan natin na ito ang lalamanin ng State-of-the-Nation Address Pangulo ngayong araw.
Patuloy na tumataas ang bilang ng impeksyon at pagkamatay araw-araw, sa kabila ng pagsisikap ng pambansa at lokal na pamahalaan. Makalipas ang apat na buwang lockdown na nagpasara o matinding nagtapyas sa operasyon ng lahat ng uri ng negosyo, nasa recession na ang bansa at nananawagan na ang mga negosyo na muling buksan ang ekonomiya.
Hindi tayo nag-iisa sa pagharap sa problemang ito. Maging ang pinakamayaman at pinaka makapangyarihang bansa, ang United States, ngayon ang itinuturing na episentro ng pandemya. Habang ang Brazil at iba pang bansa sa South America, ang United Kingdom, Italy, Spain, at Russia sa Europe, Iran at Israel sa Middle East, India at iba pang bansa sa Asya, gayundin ang karamihan ng Africa, ay nagdurusa ngayon mula sa pandemya at pagbagsak ng ekonomiya na dulot nito.
Sa pagharap ni Pangulong Duterte para sa kanyang State-of-the-Nation Address ngayong araw, maaari niyang mabanggit na hindi tayo kasing lala ng mga nasabing nasyon. Ngunit higit pa ang dapat na ginawa at dapat pang gawin sa mga susunod na buwan at umaasa tayong pangungunahan ito ng Pangulo.
Kilala na ang mga naunang SONA niya at ng mga dating pangulo sa pagpapahayag ng mga napagtagumpayan ng administrasyon para sa estado ng bansa. Ngayong araw, hahanapin ng mga mamamayan ang isensiya ng pamumuno at aksiyon upang malampasan ang pandemyang ito.
Batid ng mga tao na ang State of the Nation ngayon ay hindi kasing ganda ng mga nauna dahil sa pandemya. Ngunit patuloy silang umaasa sa Pangulo at sa mga plano nito at makikinig tayo ng may pag-asa na ang mga babanggiting plano ay magtutulak sa atin upang malampasan at makabangon sa pagsubok na ating nararanasan.