MASAKIT mang aminin, subalit kadalasan ng ang mga katribu kong senior citizen, mga opisyal o empleyado sa gobiyerno na ang edad ay mula 60 taon pataas, ang pasimuno sa pangungurakot sa kaban ng bayan, kahit kanino pa mang administrasyon ang kanilang mapagsilbihan.
Ang kultura ng korapsyon sa pamahalaan ay naipama-mana ng mga opisyal na umabot na sa pagiging senior citizen habang nasa serbisyo, sa mga bagong pasok na batang opisyal.
‘Wag naman sanang magalit sa akin ang mga katoto kong senior citizen ID card holder, dahil gusto ko lang namang maibulalas ang matagal-tagal ko na ring obserbasyong ito, hinggil sa mga napabalitang nakawan sa kaban ng bayan, na ang palaging lumilitaw na kapural ay ang mga katribu nating senior citizen, na palagiang nakakukuha ng magandang puwesto, tuwing magpapalit ang administrasyon.
Totoo naman ‘di ba? Ang titindi ng staying power ng mga ito, kahit sino ang maupong pinuno, nabubura o nakalilimutan ang kanilang mga kaso, at nakakukuha pang muli ng magandang puwesto.
Marami ang ganitong uri ng anay sa ating pamahalaan – lokal man o pang nasyonal – palaging nalalagay sa lugar na may mapagkakakitaan.
Puro imbestigasyon na lamang ang ating naririnig kapag nagkakabukuhan na, pero tumagal-tagal lang nang konti ay waring natabunan na ang naging malaking isyu laban sa mga ito. Walang kamuka’t mukat nakabalik na ulit ito sa sirkulasyon at namamayagpag na naman sa pangungurakot.
Kaya nga nitong nakaraang eleksyon, maraming kababayan natin ang natuwa nang makapasok ang mga bata sa larangan ng pulitika sa bansa. Lahat nakamata – at naghihintay nang makabagong pamamaraan sa pamumuno mula sa mga batang pulitiko.
Isa na ako run -- matamang sumusubaybay sa mga pinaggagagawa ng mga ito na talaga namang malayung-malayo sa mga naging direksyon ng mga matatandang tinali sa pulitika na itinaob nila.
Heto na naman ang naging problema, siyempre dahil mga bata, ‘di mapigil na kumuha ng mga iginagalang nila na mga datihan ng empleyado sa gobiyerno, bilang adviser sa pagpapatakbo ng kanilang tanggapan.
Yun lang, ‘di magtatagal ay may kakalat na tsismis ng pamimitsa na ginagawa sa likuran ng mga batang opisyal – at siyempre ang kapural, eh sino pa nga ba – eh ‘di ito na namang katribu nating senior citizen.
Lalo ngayong panahon ng pandemiya kung saan hilahod ang ating mga kababayan sa tindi ng problemang kinakaharap ng lahat – biglang mababalitaan natin na sa loob mismo ng mga tanggapan ng pamahalaan na mga dapat manguna sa pagtulong sa mamamayan sa buong bansa ay laganap ang katiwalian, kanya-kanyang nakawan ng biyayang para sa mga naghihirap nating kababayan.
At ang mga pasimuno na naman – siyempre hindi yung mga batang naka-pwesto, bagkus ay ‘yung mga katribu ko kong senior citizen na mga nakapagkit sa kani-kanilang puwesto.
Hindi ko na iisa-isahin ang mga tanggapan sa gobiyerno na naging laman ng mga balita sa print at broadcast media, lalo na sa social media, na kadalasan pa nga ay may kasama pang video ng korapsyong naganap sa ilalim ng pamamahala ng mga katribu kong senior citizen na ito, sa panahon nang pananalasa ng COVID-19 sa buong bansa.
Habang nagdurusa ang marami nating kababayan, ito namang mga dupang na senior citizen na ito, sa halip na maging magandang halimbawa sa mga batang opisyal sa pamahalaan, tuloy sa pagpapasasa sa kinukulimbat na biyayang para sa mga kababayan nating nagdarahop sa gitna ng pandemiyang COVID-19.
Pakiusap sa mga katribu kong senior citizen – ipauubaya na lang sana ninyo ang pamumuno sa mga batang leader sa ating bansa at igiya na lamang ninyo sila sa tamang gawi.
Kayo rin -- baka nakalilimutan na ninyong paborito ng COVID-19 ang mga senior citizen!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.